Anong koneksyon ni Leni kay Bong Pineda? | Bandera

Anong koneksyon ni Leni kay Bong Pineda?

Bella Cariaso - April 24, 2016 - 03:00 AM

SA pangangampanya ng Liberal Party sa Pampanga noong Marso 17, tahasang inendorso ni Pampanga Gov. Lilia Pineda ang mga pambato ng administrasyon kung saan nangako pa ang gubernador ng solidong boto ng probinsiya para sa LP.

Ang Pampanga ay mayroong 1.2 milyong rehistradong botante.

Si Pineda ay asawa ni Rodolfo “Bong” Pineda, ang tinaguriang jueteng lord diumano ng Pampanga, na inimbestigahan pa ng Kongreso kaugnay ng operasyon ng illegal numbers game sa mga probinsiya ng Luzon.

Ang nakakaloka rito noong 2012, sa harap mismo ni Gov. Pineda, ipinag-utos noon ni Mar Roxas, na noon ay kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsugpo ng jueteng sa Pampanga.

Ilang taon ang nakalipas at heto at nakipag-alyansa na ang administrasyon sa mga Pineda.

Hindi ba ito taliwas sa sinasabing good governance at transparency sa pamamahala na isinusulong ni Camarines Rep. Leni Robredo?

Kung tutuusin maganda ang dalawang konseptong ito dahil iisipin ng publiko na magiging mahusay ang pamamahala at pamamalakad sa pamalaan at walang itinatago sa mamamayan.

Nakakaduda naman kung magagawa ito ni Leni sakaling manalong bise presidente sa harap naman ng pakikipag-alyansa niya sa mga Pineda.

Si Bong Pineda ay una nang napaulat na nagsasagawa umano ng operasyon ng jueteng hindi lang sa Central Luzon, kundi maging sa karatig probinsiya sa Luzon.

Pero bakit nga ba tahimik itong si Leni sa kanyang pakikipag-alyansa sa mga Pineda?

Siyempre, bago pa man isinagawa ang pag-eendorso ng mga Pineda, may nangyari nang pag-uusap.

Hindi isiniwalat ni Leni sa publiko ang dahilan ng kanyang pakikipag-alyansa sa gobernador ng Pampanga, gayong alam naman niya siguro na kilala ang mister nito na may konkesyon sa jueteng.

Itinago rin ni Leni ang dahilan kung bakit niya tinanggap ang suporta ng pamilya Pineda.

Nasaan ang good governance; nasaan ang transparency?

At nasaan ang delicadeza?

Hindi kaya totoo ang impormasyon mula sa kampo ni Mar Roxas na kumakalat ngayon na tumataginting na milyon-milyon piso ang pondong inilagak sa campaign kitty ni Leni Robredo.

Ang tanong: Magkano ba talaga, Leni, ang ipinarating ni Bong Pineda sa campaign funds mo?

At ano-ano ang mga ipinangako mo kay Pineda?

Sa mga tumatakbo sa pagka-bise presidente, sinasabi na si Leni lamang ang walang bahid na negatibo.

Lahat daw ay may masamang deskripsiyon pero hindi maitatanggi ni Leni na sa lahat ng tumatakbo sa pagka-bise presidente ay tanging siya lamang ang lantarang may solidong suporta ng mga Pineda.

Hindi maganda ang pagbibigay ng suporta ng mga Pineda kay Leni, sapagkat kahit ilang ulit itong itanggi, tiyak magiging “sacred cow” si Bong Pineda sa susunod na panahon.

Ganito rin ang nangyari kay Gloria Macapagal-Arroyo noong tumatakbo pa lamang siya sa pagka-bise presidente.

Todo-suporta ang ibinigay ng mga Pineda kay GMA at nanalo si Arroyo.

Nagpatuloy ang suporta ni Bong Pineda kay Arroyo hanggang tumakbong pangulo ito noong 2004.

Nang manalo si Arroyo, hindi kailanman nagalaw si Bong Pineda.

Napatigil ba ang jueteng operations sa Pampanga? Hindi.

Hindi imposibleng mangyari ito ulit sakaling manalo si Robredo dahil sa todo-suportang ibinigay ng mga Pineda.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Bagito man sa politika, pero beterana na si Leni sa pakikipagkasundo kahit sa mga kalaban ng lipunan tulad ng mga jueteng lord.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending