ISA sa pinakamainit na isyu at masasabing isa sa pinakamalapit sa puso ng botante ngayon ay ang usapin ng kriminalidad at ang matinding paglaganap ng droga sa bansa.
Mararamdaman mo ang desperasyon sa mamamayan ang naisin nito na masolusyunan ang problema sa peace and order. Kaya nga hindi na nakapagtataka kung marami sa ating mga kandidato ngayon ay nakasentro ang adbokasiya sa paglaban sa kriminalidad at pagpapatupad ng “kamay na bakal” na siyang puputol sa kaliwa’t kanang krimen.
Hindi na rin nakakapagtaka kung bakit dahil sa desperasyon ay payag na ang iba na daanin sa pagpatay ang pagsugpo ng kriminalidad at problema sa droga sa bansa.
Ganito na ba tayo kadesperado? Ganito na ba kainutil ang pagpapatupad ng batas at kailangan nang idaan sa dahas ang paglutas sa problema.
Tama bang ngipin sa ngipin at mata sa mata ang pairaling batas sa bansa?
Maaaring desperado na nga ang marami sa atin. Pero hindi ang pagkitil sa buhay ng tao ang solusyon sa problema.
Kung susuriin may punto ang naging pahayag ni Senador Grace Poe, isa sa mga tumatakbo sa pagkapangulo sa Mayo 9. Anya, “hindi lang po patayan ang solusyon palagi”. Tila isang pasaring sa bruskong kampanya ng ngayon ay frontrunner sa mga presidential survey na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Oo nga’t naroroon ang desperasyon para masolusyunan ang problema sa kriminalidad, pero naniniwala tayo na hindi dahas ang pangunahing sagot dito.
Ang pagsugpo sa isang problema ay hindi malulutas sa pamamagitan ng aksyon na magreresulta lang sa panibagong sakit ng ulo.
Ano pa’t may nilikhang batas na dapat sundin? Ano pang saysay ng katarungan kung lahat ay gusto nating idaan sa dahas? Hindi pagpatay ang solusyon. Hindi krimen ang tatapos sa krimen. Hindi bala.
Hindi salvaging. Hindi ngipin sa ngipin at hindi mata sa mata.
Maraming paraan para tugunan ang problema; at kaya itong matugunan nang patas at may katarungan kaakibat ng determinasyon. At hindi tayo nawawalan ng pag-asa…
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.