Bata pa lang ako, inabandona na kami ng tatay ko! – Sylvia | Bandera

Bata pa lang ako, inabandona na kami ng tatay ko! – Sylvia

Reggee Bonoan |April 14,2016
facebook
share this

Bata pa lang ako, inabandona na kami ng tatay ko! – Sylvia

Reggee Bonoan - April 14, 2016 - 02:00 AM

sylvia sanchez

NAGULAT ang lahat ng nasa Dolphy Theater sa ginanap na presscon ng bagong serye ng ABS-CBN na Super D nang magkuwento si Sylvia Sanchez tungkol sa kanyang tatay. Sa tagal ng pagkakaibigan namin ng aktres ay hindi namin nalaman na may mga dala-dala pala siya sa kanyang dibdib tungkol sa kanyang ama na hindi na niya nakikita.

Tinanong kasi ang members ng cast ng My Super D kung ano ang mga alaala nila sa kanilang mga ama at kung bakit pwede rin silang tawaging super dad. Okay ang mga ibinahagi nina Jason Francisco, Jason Gainza, direk Frasco Mortiz, Direk Lino Cayetano, Atoy Co, Marina Benipayo, Simon Ibarra, Jeff Gaitan, Bong Regala, Myrtle Sarrosa, Nonie Buencamino at Marco Masa.

Halos lahat ay merong masasayang alaala sa kanilang ama maliban kina Sylvia, Bianca Manalo at ang bida sa serye na si Dominic Ochoa. Nang ipakita sa screen ang litrato ng ama ni Ibyang na si Mr. Roberto Campo, ay nagsimula nang maging emosyonal si Ibyang, “Saan ba nakuha ‘yan? tinamaan n’yo ko rito, eh.

Actually, isa ito sa…(ayaw pag-usapan), hay, puwede bang skip ang tanong?” sabi ng aktres. Dugtong nito, “Hanggang ngayon, basta tatay ang usapan, sobra akong guilty. Sa ngayon, natutuwa ako sa mga naririnig ko sa inyo (cast) kasi na-experience n’yo (nakasama ang ama).

“Ako, inabandona kami ng tatay ko. Pero lumaki ako na paborito ako ng tatay ko, kasi seaman siya tapos pag uuwi siya ng Manila papuntang Mindanao, nakikita ko may malaki siyang supot ng chiz curls sa akin lang ‘yun at ‘yung isang supot, para sa limang kapatid ko at kamag-anak ko, hati-hati sila.

So, namulat ako na paborito ako ng tatay ko at sobra kaming close,” pahayag ng aktres. Ayaw na ayaw ding magpunta ni Ibyang sa Luneta Park, “Until now, pinaka-hate ko ‘yung makakatanggap ng taping pag sa Luneta.

Ngayon ko lang sasabihin, ayaw na ayaw kong magte-taping sa Luneta kasi iyon lang ‘yung magandang memory ko sa tatay ko. “Dinala niya ako sa Manila Zoo at Luneta, ‘yun lang ‘yung nag-iisa (alaala) kaya pag pumapasok ako sa lugar na ‘yun, umiiyak talaga ako.

“Nu’ng inabandona niya kami, nagtampo at nagalit ako sa kanya. Nagalit ako hindi para sa akin kundi para sa lima kong kapatid. Pero masasabi ko na super ang tatay ko kasi dahil sa pag-abandona niya, ginawa kong positibo ang buhay dahil paborito niya ako, ako ‘yung nagsabi sa family ko na kahit ganyan ang ginawa mo, gagawin kong challenge ‘yun at ako ang magiging tatay sa pamilya, sasaluhin ko (ang mga obligasyon).

Ako ang magpapaaral sa lahat, ako lahat-lahat na ginagawa ko ‘yun hanggang ngayon. “At gusto kong sabihin sa inyo na nagawa ‘ko yung materyal na bagay, nagawa ko ‘yung lahat, pero hanggang ngayon, isa lang ang hindi ko nagawa, ang pagmamahal ng tatay para sa mga anak.

“At super ang daddy ko kasi dahil sa ginawa niya, heto ako ngayon sa harap nyo, nagpursige, nangarap, ‘yung gusto kong marating na ipakita ko sa tatay ko ay kaya kong gawin kahit iniwan mo kami, kaya ko at nagawa ko at masaya ako dahil ‘yung galit na iyon ay nawala nu’ng naging successful ako sa buhay,” mahabang kuwento ng aktres na pigil na pigil ang pag-iyak.

Dagdag pa nito, “Kaya naniniwala ako kahit na broken family kayo ay may karapatan ka nang maging gago, may karapatan kang magwala sa buhay mo, hindi, choice mo ‘yun. Kung ano tayo ngayon at sa pagtanda natin, choice natin ‘yun.”

Dugtong pa ng aktres, “Dinadasal ko na sana sa buong career ko sana ‘wag akong magkaroon ng offer na ang istorya ay tungkol sa mag-ama dahil talagang tatanggihan ko, aayawan ko talaga,” diretsong sabi ng aktres.

Tinanong namin kung buhay pa ang daddy ni Ibyang, “May nagsasabing mga kasamahan niya (barko) na patay na. May nagsabing buhay pa raw at nasa Rio de Janeiro (Brazil).” Wala ba siyang planong hanapin ang daddy niya? “Actually ang gustong maghanap sa tatay ko ay sina Arjo at Ria kasi gusto nilang makita ang itsura ng lolo nila, kasi siyempre alam nilang buhay, so feeling nila may kulang.

“Ako naman gusto ko siyang mahanap, sabi ko, ang taong gustong magpakita, magpapakita, ang taong hindi gustong magpakita, ayaw. Tagal na kaming hindi nagkita, grade 5 lang ako nu’ng huli kaming magkita,” kuwento ni Ibyang.

At kaya raw napunta sa Brazil ang papa niya, “Seaman kasi siya, nag jump ship siya tapos nakakilala ng tagaroon, hayun may pamilya na. Ang alam ko may dalawa siyang anak sa isang Brazilian, grade 6 ako no’n kasi nakita ko ang picture na binigay niya sa lola ko at nang tanungin ko kung sino ‘yun, inagaw ng lola ko, pero nabasa ko na ‘yung dedication sa likod na sinasabing bago niyang pamilya at sobrang painful ‘yun sa akin.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Pero from grade 6 itinago ko, hindi ko sinabi sa nanay ko, sinabi ko lang, three years ago. Kasi nakita ko na open na si nanay, moved on na siya kaya na niya. Actually nanay ko, naghihintay sa tatay ko, feeling ko alam niya buhay pa tatay ko.”

Sa ngayon ay masaya siya sa piling ng asawang si Art Atayde bilang Super D sa mga anak nila.
Samantala, mapapanood na ang fantaseryeng Super D sa Abril 18, Lunes bago mag-TV Patrol.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending