Information overload sa May 9 elections | Bandera

Information overload sa May 9 elections

Leifbilly Begas - April 06, 2016 - 03:00 AM

NAISIP mo ba na magiging ISO certified ang regional government ng Autonomous Region in Muslim Mindanao?

Sa dami ng negatibong balita sa ARMM at sa negatibong pagtingin sa kanila (aminin man natin o hindi), hindi mo maiisip na magiging ISO certified ang rehiyon.

Kaya naman napaluha pa si ARMM Gov. Mujiv Hataman nang tanggapin niya ang ISO 9001 Certification na nakuha nila sa loob ng walong buwan.

Ang ISO 9001 ay nangangahulugan na pumasa ang ARMM sa international standard ng pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Ibig sabihin ay nakagawa o sumusunod sila sa proseso na naaayon sa pamantayan ng mga international standard bodies.

Nakuha ng ARMM ang sertipikasyon sa tulong ng Development Academy of the Philippines.

Kasama sa nabigyan ng ISO certification ang Office of the Regional Governor-ARMM at ang 40 line agency nito na humaharap at nakikipagtransaksyon sa tao.

Sana lang ay maipagpatuloy ang pagsunod sa international standard sa pagseserbisyo sa tao dahil maaaring bawiin ang ISO certificate. Hindi ito permanente.

Sa huling buwan ng kampanya, tiyak na magkakalabasan na ng lahat ng baraha.

Ngayon masusukat kung sino-sino ang magi-ging matapat sa kanilang mga pangakong suporta at kung sino ang mga pulitiko na mabilis pa sa alas-kuwatro kung bumaliktad.

Ang lahat ng kampo ay tiyak na aligaga na sa kung saan pa pupunta, at kung anong lugar ang unang pupuntahan.

Ang mga masusuwerte ngayong kampanya ay ang mga kandidato na walang kalaban.

Wala silang kailangang gawin kundi ang maghintay kung sino ang mananalo bago magdesisyon kung mananatili ba sa kanilang partido kahit na sila ay talunan o kung babaliktad at kakampi kung sinuman ang maluluklok sa Malacanang sa takot na makalimutan ang kanilang probinsya o bayan at walang makuhang tulong sa papasok na administrasyon.

Hindi maiiwasan na mayroong mga masaktan sa mga desisyong gagawin ngayon lalo na kung babaliktad ang inaasahang kakampi.

Kaya hindi naman si-guro masisisi si Vice President Jejomar Binay kung sumama ang kanyang loob— aminin man niya o hindi— sa mga nang-iwan sa kanya.

Isa sa umalis sa kanya si Manila Mayor Joseph Estrada. Bagamat nakasama niya ito nang tumakbo noong 2010 elections, si Sen. Grace Poe ang napiling suportahan. Baka nga totoo na natatakot si Erap na multuhin ng tatay ng senadora na si Fernando Poe Jr.

Kumalas din kay Binay ang One Cebu na sinasabing nagbigay ng boto na nagpanalo kay dating Pangulong Gloria Arroyo. Lumipat ang One Cebu kay Duterte.

Kahit si Gloc 9 na binatikos ng kumanta sa entablado ng mga Binay sa Makati ay nakita ring kumakanta sa stage ni Poe.

Pero bago ang lahat ng ito, inasahan din ni Binay ang suporta ni Pangulong Aquino kahit alam naman nito na si Mar Roxas ang kanyang kandidato.

Sa dami ng mga naglalabasang balita, sana ay maging mapanuri ang mga botante kung ano at alin ang papaniwalaan o hindi.

Kung anu-ano ang naglalabasan sa media at sa sobrang dami ng impormasyon ay malilito ang mga botante kung sino ang iboboto dahil lahat ay nagsasabi na sila ang magaling o nangunguna sa mga survey.

Kaya naman nagpalabas ng disclaimer ang Pulse Asia at sinabi na hindi totoo na nagsagawa sila ng survey noong Marso 21 hanggang 25 (pasok ang Huwebes Santo at Biyernes Santo) para sa ABS-CBN2.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hindi daw dapat paniwalaan ang ipinakakalat na ito at hintayin na maglabas sila ng opisyal na datos.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending