Isa pang Hold Departure Order ang inilabas ng Sandiganbayan laban kay Sen. Joseph Victor Ejercito kaugnay ng paggamit nito ng calamity fund sa pagbili ng baril noong 2008.
Inilabas ng Sixth Division ang HDO sa kasong illegal use of funds laban kay Ejercito, dating vice mayor Leonardo Celles at mga dating konsehal na sina Dante Santiago, Rolando Bernardo, Andoni Carballo, Vincent Pacheco, Angelino Mendoza, Grace Pardines, Domingo Sese, Francis Peralta, Edgardo Soriano, Jannah Ejercito-Surla, Ramon Nakpil, Joseph Christopher Torralba at Francis Zamora.
Si Zamora ang kasalukuyang vice mayor ng lungsod na tumatakbo laban sa ina ni Ejercito na si Mayor Guia Gomez.
Inatasan ng korte ang Bureau of Immigration na huwag payagang lumabas ng bansa ang mga akusado ng walang pahintulot mula sa kanila.
Ayon sa Ombudsman nilabag ni Ejercito ang batas ng bumili ito ng mga baril para sa lokal na pulisya na nagkakahalaga ng P2.1 milyon. Hindi umano kasama ang baril sa mga maaaring bilhin gamit ang calamity fund.
Kamakalawa ay naglabas ang Fifth Division ng HDO laban kay Ejercito sa kasong paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act sa kaparehong kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.