Operasyon ni Nora sa lalamunan tuloy na: Kaya talagang nag-iipon na po ako! | Bandera

Operasyon ni Nora sa lalamunan tuloy na: Kaya talagang nag-iipon na po ako!

Ervin Santiago - April 01, 2016 - 03:00 AM

CHERRY PIE PICACHE AT NORA AUNOR

CHERRY PIE PICACHE AT NORA AUNOR

HANGGANG ngayon ay nag-iipon pa rin ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor para sa gagastusin sa pagpapaopera niya ng lalamunan sa Amerika.

Ayon kay Ate Guy, tuloy na tuloy na raw ang kanyang throat operation sa darating na Hulyo at umaasa siya na sa pagbabalik niya sa Pilipinas bago matapos ang taon ay maayos na ang kundisyon ng kanyang lalamunan.

Kung matatandaan, naapektuhan ang boses ng Superstar dahil sa napabalitang cosmetic enhancement na ginawa sa kanya sa Japan, pero sabi raw ng kanyang doktor sa Boston, pwede pa raw maibalik ang kanyang singing voice sa pmamagitan ng operasyon, “Tuloy na po iyon dahil aalis na po ako ng July, naka-schedule na po ako.

“Pagkatapos po ng last movie kong gagawin, siguro magpapahinga muna ako. At kapag naayos na yung boses ko, na matagal ko nang pinapangarap na maipaopera, iyon naman muna ang haharapin ko, ang pag-awit,” kuwento ni Ate Guy nang makachika ng ilang entertainment reporter sa presscon ng bago niyang pelikula, ang political-thriller na “Whistleblower”.

May takot ba siya sa pagdaraanan niyang operasyon? “Wala naman, iyong nangyari nga sa akin noon sa Japan…three days hindi ako nagising tapos binutasan nila ito (saby turo lalamunan). Suspetsa ko, iyon ang ooperahan. Sabi kasi ng doktor sa Boston, walang naapektuhan sa vocal chord.

“Pero malalim daw yata yung tinamaan, may nerve na tinamaan, at iyon ang ooperahan,” aniya pa.

Hindi raw biro ang halaga ng operasyon kaya ani Ate Guy, “Nag-iipon nga po ako bago umalis.”

Wala na rin daw siyang balak na humingi ng tulong pinansiyal kahit kanino, “Hindi po, nakakahiya naman po. Baka naman makayanan din, kakayanin din maibalik lang iyong boses ko.”

Dagdag pa ng Superstar, nagpapasalamat nga raw siya sa Diyos at sa mga producers na patuloy na nagtitiwala sa kanya dahil hindi siya nawawalan ng trabaho. At ang kikitain nga raw niya sa mga proyektong ito ang gagamitin niya sa kanyang operasyon.

“Kahit paano sunud-sunod pa rin po yung pelikulang gagawin ko, natutuwa naman po ako. Mula nang bumalik ako dito sa Pilipinas galing ng States, kahit papaano may mga kumukuha pa rin sa aking producers para gumawa ako ng pelikula.

“Ipinagpapasalamat ko iyan sa Diyos na magpahanggang ngayon ay hindi ako pinapabayaan,” aniya pa.

Bukod sa “Whistleblower” kung saan kasama rin sina Cherry Pie Picache at Angelica Panganiban, na palabas na sa April 6 nationwide sa direksiyon ni Adolf Alix Jr., may isa pa raw silang pelikulang gagawin ng direktor, ang “Nympho”, kung saan kakaibang challenge na naman daw ang haharapin niya bilang isang nymphomaniac.

Biro nga ni Ate Guy, “Baka dito ko na talaga maisakatuparan ang matagal ko nang pangarap na maging bold star. Ha-hahaha! Hindi, basta challenging ito at natutuwa ako na sa akin ibinigat ni direk Adolf ang proyektong ito.”

Makakasama raw ni Ate Guy dito ang mga Kapuso actors na sina Mark Herras, Kristoffer Martin at Jeric Gonzales.

Samantala, naikuwento rin ni Ate Guy sa presscon ng “Whistleblower” ang tungkol sa kanyang kapatid na si Eddie Boy na ngayon ay naka-confine pa rin sa ospital.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Yes, na-stroke siya at hindi na maigalaw ang katawan niya. Yung ulo na lang niya. At hindi rin makasalita. P1.7 million na ang nagagastos ko, sa ospital pa lang yun. Wala pa yung doctor. Tulungan nyo naman kaming ipagdasal ang kapatid ko para bumuti na siya,” kuwento pa ng Superstar.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending