Unang National ParaGames gold nakuha ni Medina
IPINAMALAS ni two-time Olympian Josephine Medina ang angkin na galing upang iuwi ang pinakaunang gintong medalya sa ginaganap na 5th PSC-Philspada National ParaGames 2016 matapos dominahin ang singles event ng table tennis sa Marikina Sports Center.
Winalis ng 46-anyos mula Oas, Albay na si Medina para sa perpektong tatlong panalo ang kanyang laban upang sementuhin ang hawak na silya sa pambansang koponan at selyuhan din ang pagkakakuwalipika nito sa ikalawang sunod na pagkakataon sa kada apat na taong Olimpiada sa paglalaro sa nalalapit na 2016 Rio de Janeiro Paralympic Games.
Tinalo ni Medina si Angela Quirubin ng Quezon City, 11-4, 11-5, 11-1, bago isinunod ang taga-Iligan City na si Marie Jane Paz sa iskor na 11-1, 11-1, 11-retired. Huli nitong nakatapat subalit hindi na lumaban ang kakampi sa pambansang koponan na si Minnie De Ramos-Cadag.
“Maganda pong training ito para sa akin kasi wala na akong exposure pa para sa actual tournament para sa Rio,” sabi ni Media na nagtala ng pinakamagandang pagtatapos para sa Pilipinas noong 2012 London Paralympics matapos na mabigo sa playoff sa tansong medalya at pumang-apat lamang sa singles event.
Agad namang nagpakita ng husay ang most bemedalled athlete sa 8th ASEAN ParaGames na si Menandro Redor sa orthopedically handicapped chess nang pataubin si Dennis Lucero.
Wagi rin ang kasamahan nito sa national team na si James Infuesto na tinalo ang nakatapat na si Jhayson Lim.
Itinala rin ni Jean Lee Nacita ang unang panalo sa Ortho women matapos talunin si Evelyn Macabenguil.
Samantala, maliban sa National ParaGames ay napapanahon at nararapat din bigyan ng bawat local government units (LGUs) ng kani-kanilang torneo ang mga nasasakupan nito na differently-abled.
Ito ang naging mungkahi ni Marikina City Mayor Del De Guzman sa pagdalo bilang panauhing pandangal sa naging matagumpay na seremonya ng 5th PSC-Philspada National ParaGames 2016 sa Marikina Sports Center.
“Marahil ay napapanahon nang magkaroon ang bawat local government unit ng kani-kanilang torneo para sa ating mga differently-abled constituents,” sabi ni De Guzman matapos makita ang kasiyahan at katuwaan sa mga batang atleta na kalahok sa nagtala ng record attendance na torneo.
“Now that we have laws protecting and giving incentives to our differently-abled athletes, sana ay magkaroon naman ng mga torneo sa bawat siyudad at probinsiya bilang pangsuporta sa ating mga pambansang atleta at sa grassroots sports development ng ating bansa,” sabi pa ni De Guzman.
Ipinaliwanag din ni Philspada-NPC Philippines president Michael Barredo na ang torneo ay parte sa paghahanap ng asosasyon ng mga bagong atleta na posibleng maging miyembro ng pambansang koponan kung hindi man parte sa national developmental at training pool.
Umabot naman sa 700 ang kabuuang kalahok sa torneo na tampok ang tatlong LGU sa Visayas, lima sa Mindanao, 23 sa Luzon at 17 sa NCR maliban pa sa mga national athletes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.