TULUYAN nang iniwan ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada si Vice President Jejomar Binay.
Tinapos na ni Estrada ang matagal ng espekulasyon at kumalas na kay Binay, na kanyang running mate ng muling tumakbo sa pagkapangulo noong 2010 elections.
Matagal-tagal na ring naghihintay ang mga suporter ni Estrada kung sino ang susuportahan nito.
Bago ito ay sinasabing may mga signos na nakita. Absent si Estrada sa paglulungsad ni Binay ng United
Nationalist Alliance, ang kanyang partido ngayong halalan. Si Binay ay dating miyembro ng PDP-Laban na siyang nagpatakbo kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Wala rin si Estrada sa proclamation rally ni Binay na ginawa sa Mandaluyong City at hindi sa Makati City na sinasabing balwarte nya.
Bago pa inanunsyo ni Erap ang pagsuporta sa inaanak na si Poe, humarap na sa publiko si dating Manila Mayor Alfredo Lim na sumusuporta naman sa kapwa Liberal Party niya na si Mar Roxas ng Team Daang Matuwid.
Malinaw na hati ang boto ng Maynila.
Pero huwag nating kakalimutan na tumatakbo rin sa pagkamayor si Manila Rep. Amado Bagatsing.
Ang tanong ay kung kanino siya susuporta?
Kung si Erap ay na kay Poe, ang ina naman ng kanyang anak na si Sen. JV Ejercito na si San Juan Mayor Guia Gomez ay nauna ng nagpahayag ng pagsuporta kay Roxas.
Naniniwala si Gomez sa magandang paglilingkod na maibibigay ni Roxas. Nasubukan na umano niya si Roxas noong ito ay kalihim pa ng Department of Interior and Local Government.
Ang bilis talagang umusad ng panahon. Parang kasisimula lang ng 90 araw na kampanya para sa mga tumatakbo sa national position at ito tayo ngayon, lumagpas na ng kalahati.
Sa pagsisimula ng 45-araw na kampanya sa lokal na pamahalaan marami ang abala, maliban na lamang sa mga kandidato na walang kalaban.
Mahalaga ang may kandidato sa lokal dahil sila ang tunay na maghahakot ng boto para sa national candidates.
At sila rin ang magbabantay ng boto bagamat hindi na ito katulad noong manu-mano pa ang bilangan— binabasa ang mga pangalang isinulat sa balota at kanya-kanya ng lista ang mga watcher.
Sa isang automated elections ang binabantayan ay ang mga botante at hindi ang nagbibilang ng boto (assuming na walang bahid ang makinang magbibilang) kaya naman tiyak na hakutan ng botante ang laban.
At isa pang poproblemahin ng mga pulitiko ay ang voters list. Paano makaboboto sayo ang iyong mga suporter kung wala sila sa voters list.
Kaya dapat tinignan na ito sa Commission on Elections para alam na rin kung saang presinto pupunta.
Kung tinatamad kang pumunta sa Comelec office, pwedeng mag-internet at pumunta sa website ng Comelec. Doon ay maaaring makita kung rehistrado kang botante.
Ay may problema pala, na-hack kasi ang website ng Comelec.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.