Miyembro ng Gabinete ni PNoy napatunayang guilty sa graft
NAPATUNAYANG guilty ng Sandiganbayan si Presidential adviser on environmental concerns Secretary Nereus “Neric” Acosta sa isang count ng graft kaugnay ng maling paggamit ng kanyang pork barrel nang siya pa ay kongresista ng Bukidnon.
Nasintensiyahan si Acosta ng anim hanggang 10 taong pagkakabilanggo at diskuwalipikasyon na manungkulan sa gobyerno.
Si Acosta ay isang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino at kasapi ng Liberal Party (LP).
Si Acosta ay kasalukuyang general manager ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Inakusahan si Acosta na ginamit ang kanyang pork brrel sa mga proyekto na kung saan nasa matataas na posisyon ang kanyang mga kapamilya.
Sinabi ng Sandiganbayan 4th Division na pinaboran ni Acosta ang Bukidnon Vegetable Producers Cooperative, na ang director at cooperator ay ang kanyang nanay na si dating Manolo Fortich mayor Socorro Acosta.
Base sa rekord ng korte, ginamit ni Acosta ang P5.5 milyon ng kanyang Priority Development Assistance Funds (PDAF) para pondohan ang kooperatiba noong 2002.
Sinabi naman ni Acosta na hindi pa niya nakakausap si Aquino kaugnay ng kanyang pagkakasintensiya.
“So, sa akin, walang political color ‘yan,” sabi ni Acosta.
Idinagdag ni Acosta na nakatakda niyang iapela ang naging desisyon ng anti-graft court.
Samantala, napatunayan namang guilty ang nanay ni Acosta na si Socorro sa dalawang counts ng graft kung saan nasiyensiyahan siya ng anim hanggang 10 taong pagkakabilanggo at diskuwalipikasyon na manungkulan sa gobyerno sa kada isang count ng graft.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.