Bongbong una sa survey sa kabila ng paninira
SA kabila ng mga patuloy na paninira kay Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. patuloy na tumataas sa survey ang senador kung saan naungusan na niya si Sen. Francis “Chiz” Escudero sa pinakahuling poll ng Pulse Asia.
Base sa survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Marso 8-13, nakakuha si Bongbong ng 25% boto, ito’y sa kabila ng kasagsagan ng paninira sa kanya.
Naunahan na niya si Sen. Francis “Chiz” Escudero na nakakuha ng 24% at si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ay nakakuha naman ng 20%.
Base pa sa survey na mismong ABS-CBN ang nag-commission, tumaas si Bongbong ng 3%, samantalang si Chiz ay nabawasan ng isang porsiyento.
Mas malawak ang sakop ng survey, kung saan tinanong ang 4,000 respondents, kumpara sa normal na survey na ang respondents ay 1,200 lamang.
Nangangahulugan lamang ito na hindi kailanman nagtatagumpay ang taong may masamang ginagawa sa kapwa.
Kahit gumastos ng multi-milyon ang mga nais manira kay Marcos ay bigo ang mga ito sa kanilang masamang balak.
Hindi ba’t personal pa talaga ang pagbatikos ni Pangulong Aquino kay Marcos at nang araw nga na inilabas ang resulta ng survey ng Pulse Asia ay muli na naman niyang inungkat sa anibersaryo ng Philippine Army (PA) ang Martial Law para pa lamang siraan si Bongbong.
Kung matatandaan din, napabalitang naglabas ng P35 milyong budget para sa ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power.
Ginamit ang P35 milyon sa pagpapatayo ng museyo hinggil sa mga naganap noong panahon ng Batas Militar sa ilalim ni yumaong dating pangulong Ferdinand Marcos at iyong pakikibaka ng mamamayang Pilipino na nauwi sa EDSA 1.
Pinangunahan naman ni Aquino ang paggunita ng EDSA 1 noong Pebrero 25 kung saan puro banat kay Marcos ang kanyang ginawa.
Iisa ang puntirya ng paglalaan ng P35 milyon para sa EDSA 1 at ito ay para biguin at siraan si Bongbong bilang susunod na bise-presidente ng Pilipinas.
At kahit pa tapos na ang pagdiriwang ng EDSA 1, hindi pa rin tinantanan ni PNoy at ng kanyang administrasyon ang pagbabalik-tanaw sa Batas Militar upang kumbinsihin ang taumbayan na huwag iboto si Bongbong bilang bise presidente.
Sinabayan naman ito ni Chiz dahil alam niyang sagabal si Bongbong sa kanyang ambisyong maging bise-presidente.
Seryoso si Escudero sa kanyang kagustuhang wasakin ang pagkatao ni Bongbong upang hindi siya maungusan ni Marcos.
Napaulat ang umano’y paglalabas ng P70 milyon ni Chiz para pondohan ang paninira kay Bongbong.
Kung susumahin, aabot sa P105 milyong ang pondong inilaan para siraan si Bongbong.
Sa P70 milyon, P50 milyon umano ang napunta sa “re-affirmist” o R.A., ng Communist Party of the Philippines (CPP) ni Jose Ma. Sison. Ang P20 milyon naman ay ibinigay umano sa Sanlakas, isang party-list group, na siya ngayong pangunahing pangkat na kalaban ng CPP at ni Sison.
Kung totoo man ang ulat na ito, lumalabas na talo ang P105 milyong anti-Bongbong budget ng administrasyon ni PNoy at ni Chiz.
Sa aktuwal na botohan, malaki ang isang porsiyento, kaya malaking bilang ang umayaw na kay Chiz Escudero.
Malaki namang boto ang napunta kay Bongbong sapagkat masyadong malaki ang 3%.
At dahil papalapit na ang eleksiyon, hindi naman tayo magtataka na magpapatuloy pa ang mga paninira kay Bongbong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.