Nasawi ang 2-anyos na batang lalaki nang lamunin ng apoy ang bahay ng kanyang pamilya sa Tiaong, Quezon, kahapon ng hapon.
Nasunog ang buong katawan ng batang si Rainier Umali, habang umabot sa P10,500 ang halaga ng pinsalang dulot ng apoy sa kanilang bahay, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-5 sa Sitio Fobres, Brgy. San Isidro.
Sinabi sa pulisya ni Emiliano Umali na sandali pa lang niya iniwan ang natutulog ang anak na si Rainier para dalhin ang isa pang supling sa kalapit na tindahan ng halo-halo ng kanyang misis, nang biglang magliyab ang kanilang bahay.
Sinubukan pang iligtas ni Umali ang anak, pero nilamon na ng apoy ang buong bahay kaya nabigo, ayon sa ulat.
Pinaniniwalaan na electrical short circuit ang sanhi ng sunog, ayon sa pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.