Poe nangunguna pa rin, Duterte naunahan na si Binay
Muling nanguna sa survey ng Pulse Asia na kinomisyon ng ABS-CBN2 si Sen. Grace Poe.
Sa survey na isinagawa mula Marso 1-6, nakakuha si Poe ng 28 porsyento mas mataas sa 26 porsyento na nakuha nito sa survey noong Pebrero 16-27. Ginawa ang survey bago inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito na nagsasabing kuwalipikado siyang tumakbo.
Agad namang nagpasalamat si Poe sa mga nagtitiwala sa kanya. “Walang nakakasiguro sa kampanya na ito talaga. Basta para sa ating mga kababayan masaya ako kasi napakaraming plano para matulungan kayo, mga programa na talagang makakatulong sa mga mahihirap. Iyan ang aming tinututukan.”
Umakyat naman sa ikalawang puwesto si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na naka-24 porsyento, mas mataas ng dalawang puntos sa mas naunang survey.
Nalaglag naman sa ikatlong puwesto si Vice President Jejomar Binay na nakakuha ng 21 porsyento mula sa 24.
Ang pambato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas ay nakakuha naman ng 20 porsyento mula sa 19.
Nanatili naman ang tatlong porsyentong nakuha ni Sen. Miriam Defensor Santiago.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 2,600 respondents. Mayroon itong error or margin na plus/minus 1.9 porsyento.
Nanguna naman ang running mate ni Poe na si Sen. Francis Escudero na nakakuha ng 25 porsyento, mas mababa ng isang porsyento sa nakuha niya sa survey noong Pebrero.
Bumaba naman si Sen. Bongbong Marcos sa 22 porsyento mula sa 26 porsyento.
Pumangatlo naman si Camarines Sur Rep. Leni Robredo na nakakuha ng 21 porsyento mula sa 18 porsyento noong nakaraang buwan.
Sumunod naman si Sen. Alan Peter Cayetano na naka-14 porsyento mula sa 13. Si Sen. Antonio Trillanes ay tumaas naman ng isang porsyento at ngayon ay naka-anim na porsyento at bumaba naman si Sen. Gringo Honasan ng isang porsyento at ngayon ay may limang puntos.
30
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.