‘Mata pa lang ni Richard Gutierrez sa Panday umaarte na!
NGAYON ay alam na namin kung bakit si Richard Gutierrez ang palaging bumibida sa mga fantaserye nu’n ng GMA 7. Hindi man namin natutukan ang mga nasabing serye ay nakuha namin ang sagot ngayon sa Ang Panday.
Mula sa unang episode ng obra ni Direk Carlo J. Caparas na pinamamahalaan ngayon ni Direk Mac Alejandre ay nakita namin ang dahilan. May mga mata si Richard Gutierrez para itawid ang tamang emosyon na hinihingi sa kanya sa eksena.
Maraming artistang basta guwapo lang, pero kapos sa emosyon, ‘yun ang bentahe ng kakisigan ng aktor na sa bawat gawin niyang eksena ay matagumpay na nakapagtatawid ng eksaktong pagganap sa manonood.
Bilang si Flavio ay makarisma si Richard, sa mga eksenang kailangan ng lalim ng itsura ng bida ay nakapagdedeliber ang aktor, siya na nga ang pinakaguwapong nagbida sa klasikong nobela ni Direk Carlo.
Sabi ng isang nakakuwentuhan naming direktor ay makikita mo ang magaling na artista sa mga eksenang walang dialogue. ‘Yung reaction shot lang ang tutok. Sabi ng magaling na direktor, “Kapag hindi magaling sa reaction shot ang artista, asahan mo nang mas hindi niya makakayang bigyan ng justice ang mga eksena with dialogues.”
At sa Ang Panday ng TV5 ay sagana sa mga reaction shots lang si Richard. Taimtim lang siyang nakikinig sa paglilitanya ng kanyang kaeksena. Kumpleto ang kanyang emosyon, naitatawid niya ang tamang pag-arte sa pamamagitan lang ng kanyang mga mata, hindi sayang ang kaguwapuhan ni Richard Gutierrez.
Napapanood ang serye sa TV5 tuwing Lunes, Martes at Huwebes, alas siyete nang gabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.