‘Wonder Boys’ nadiskubre sa Ronda Pilipinas Mindanao leg | Bandera

‘Wonder Boys’ nadiskubre sa Ronda Pilipinas Mindanao leg

Angelito Oredo - February 29, 2016 - 01:00 AM

CAGAYAN de Oro City — Muli ay nakahanap ang Ronda Pilipinas ng natatagong talento na pangunahin nitong ambisyon sa pagsasagawa kada taon ng pinakamalaki at pinakamayamang karera ng bisikleta sa bansa.

Bitbit ang mithiin na masubok ang kanilang kakayahan at makalaban ang kanilang mga iniidolo ang tanging ambisyon ng ipinagmamalaki ng Mindanao na sina John Paolo Ferfas at Ranlean Maglantay sa pagsabak sa Mindanao Leg ng LBC Ronda Pilipinas 2016.

Hanggang matapos ang limang mapaghamong yugto, uuwi ang 20-anyos na si Ferfas at 18-anyos na si Maglantay na hindi lamang nakamit ang kanilang mga misyon kundi nag-uumapaw na tulong at suporta mula sa komunidad ng cycling.

Umuwi kahapon sina Ferfas at Maglantay na may mga bagong kagamitan tulad ng uniporme, gloves, cycling shoes, medyas at ang ipinahiram na bisikleta na nagkakahalaga ng P400,000 mula sa LBC Express, MVP Sports Foundation at LBC Foundation matapos irepresenta ang Mindanao sa katatapos na karera.

Kapwa walang inaasahan kundi ang patunayan sa kani-kanilang pamilya na kaya nilang abutin ang kanya-kanyang pangarap, kapwa tinapos ng dalawang tinaguriang “Wonder Boys” ang dekalidad na karera kahit madalas iwanan sa hulihan ng napakataas ang lebel na Philippine Navy-Standard Insurance.

Napagwagian ni Jan Paul Morales habang iniuwi ng Navy-Standard Insurance ang halos lahat ng kategorya pati na rin halos lahat ng premyo subalit natatak sa buong karera ang tibay at pagnanais ng dalawang baguhan na nahuli ang interes ng mga nanonood bunga ng kanilang nakakaengganyong istorya.

Sakay ng kanilang mabigat at mas murang bisikleta at rubber shoes na sinamahan ng kaunting baong panggastos, ipinamalas nina Ferfas at Maglantay ang matinding pagnanais na matapatan ang beteranong kalaban at makumpleto ang karera kung saan halos kapwa wala silang tsansang manalo.
Dahil sa kanilang pusong lumaban at ipamalas ang pagnanais magtagumpay ay kapwa nakuha nila ang simpatiya ng marami kabilang na ang mga kapwa nila riders.

“Pangarap po talaga namin kumarera sa Ronda,” sabi ni Ferfas na mula sa Marbel, South Cotabato na tanging ginagamit ang kanyang bisikleta upang makipagkarera sa kanilang lugar at ilang kalapit na probinsiya para makapag-uwi ng panggastos at pambili ng pagkain sa kanyang pamilya.

“Ulila na po kami sa ina,” sabi ni Ferfas. “Tumigil na po ako sa pag-aaral para pagbigyan ang nakakatanda kong kapatid na babae para makapag-college. Hindi po ako nakapag-high school. Maliban sa karera ay nag-aayos ako ng bisikleta doon sa bikeshop na pinapasukan ko para matulungan ko tatay ko.”
Kakaiba naman ang istorya ni Maglantay.

Ang may taas lamang na 4-foot-8 at kapitbahay ni Ferfas ay halos hindi sana makakasali sa karera matapos itong madiskuwalipika dahil sa teknikalidad subalit hinabol mismo ni LBC Ronda project director Moe Chulani na makasali ito matapos malaman ang pagnanais makasali ni Maglantay.

“I told myself, why should we not allow this boy to race?” sabi ni Chulani. “He came from South Cotabato to Butuan with a cheap bike and rubber shoes just to compete and live a dream. It’s worth giving him a chance.”

“And that is the true essence of LBC Ronda Pilipinas, giving everyone who has a dream a chance,” sabi nito.

Maliban sa agad ibinigay na tulong, sina Ferfas at Maglantay ay pinangakuan din ng suporta ng marami pang iba sa komunidad ng cycling matapos mabasa ang kanilang istorya sa iba’t-ibang media.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Isa pang tulong kina Ferfas at Maglantay ay muli silang makakasali sa susunod na Visayas at Luzon Legs sa Marso at Abril na gagastusan lahat ng LBC and MVP Sports Foundation kung saan maipagpapatuloy nila ang kanilang istorya na makapagsisilbing inspirasyon sa iba na nagnanais magtagumpay.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending