SA pagiging tie nina Sen. Francis “Chiz” Escudero at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa unang puwesto para sa pagka-bise presidente sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) kung saan nakakuha ang magkatunggali ng 26 na porsiyento, inamin ni Chiz na takot siya kay Bongbong.
Hindi marahil inakala ni Sen. Escudero na unti-unti siyang hahabulin ni Sen. Marcos lalo na at consistent ang kanyang pangunguna sa survey at ginawa pang isyu ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan matapos ang martial law.
Ginawa ni Chiz ang pag-amin nang sila ay mangampanya sa Tacloban nitong Biyernes.
Ang ibig sabihin lang nito, mukhang kinakabahan na si Chiz kay Bongbong habang papalapit nang papalapit ang halalan sa Mayo 9.
Sa paghabol ni Bongbong kay Chiz sa mga survey, baka magulat na lamang si Sen. Escudero na naungusan na siya ni Marcos sa mga darating na survey.
Bagamat sa kanyang pag-amin, idinadahilan ni Chiz na hindi lamang siya takot kay Marcos, kundi sa iba pa niyang mga katunggali sa pagka-bise presidente dahil umano sa marami silang pera at makinarya para tustusan ang kanilang kampanya.
Sa mga nakaraang panayam ni Sen. Escudero, sinasabi niya na wala siyang perang pantustos sa kanyang kampanya.
Sino naman kaya ang bobolahin nitong si Chiz?
Lumalabas tuloy na sinungaling siya dahil kung titingnan mabuti, halos sunod-sunod na ang kanyang TV at radio ads sa mga piling istasyon na kung susumahin ay milyon-milyong piso ang halaga.
Iba ang diskarte ni Sen. Escudero, nagpapaawa siya at hindi na nahiya sa kanyang pinagsasabi na wala siyang pera at makinarya.
Alam naman kasi ng publiko na ang daming mga kaibigan ni Sen. Escudero na pawang mga bilyonaryong negosyante sa Pilipinas.
Kabilang sa mga sinasabing malalapit kay Sen. Escudero ay mga malalaking negosyante sa bansa gaya nina Hans Sy, anak ni Henry Sy ng SM group of companies; Ramon Ang ng San Miguel Corporation; Fernando Zobel ng Ayala; Andrew Tan ng Megaworld Corporations; Lance Gokongwei ng Robinsons Corporation, Bobby Ongpin ng Alpahaland at Jerry Acuzar ng New San Jose Builders.
Whew, nakakalula, no?
Hindi ba’t mismong si Sen. Grace Poe ang umamin kamakailan na galing sa San Miguel Corp. ang mga eroplano at chopper na kanilang ginagamit sa pangangampanya at ito’y malinaw na dahil sa koneksyon ni Chiz.
Sen. Chiz, hindi pa ba makinarya yan? Wag mong sabihing hindi sila ngayon tumutulong sa kampanya mo?
Ang masakit nito, kung makalulusot itong si Chiz, tiyak na “sisingilin” siya ng mga negosyante at tiyak taumbayan ang magbabayad.
Pero may kasabihan ngang hindi lahat ay nakukuha sa pera. Kahit humiga pa sa bilyon-bilyong pisong campaign contributions si Chiz, delikado pa rin siya kay Bongbong.
Wala siyang “solid North” vote na pinaghahawakan dahil sa Bicol pa lang, sirang-sira si Chiz. At apat pa silang Bicolanong naglalaban-laban sa pagka-bise presidente.
Kung umaasa naman itong si Chiz na masisira si Bongbong dahil sa nangyari sa EDSA People Power 1 celebration ay lalong nagkakamali siya.
Palpak ang paggunita ng EDSA 1 dahil hakot ang ginawa ng administrasyon ni PNoy at sapilitang pinadalo ang ilang mga empleyado ng gobyerno at estudyante sa nasabing selebrasyon.
Hindi ba’t mismong mga estudyante na tinanong kung ano ang saloobin nila sa EDSA ang nagsabi na mandatory ang kanilang pagdalo sa selebrasyon matapos namang iutos ng kani-kanilang paaralan.
Mukha ngang may batayan na matakot si Escudero kay Sen. Marcos sa darating na halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.