MAS madalas na katuwang at karamay ng OFW ang kanilang mga kababayan sa ibayong dagat. Ngunit minsan, kapwa Pinoy din ang dahilan ng kapahamakan ng isang OFW.
Ganito ang nangyari sa isa nating Pinay OFW sa Kuwait nang kunin siya ng kapwa Pinay sa isang ahensiya doon at pagkatapos ay ibenenta sa prostitusyon.
Gayong nagpanggap itong Pinay na siya na lamang ‘anya ang kukuha sa kabayan natin upang maging employer nito at nagbayad pa siya ng kaukalang downpayment na kinakailangan sa pagkuha ng domestic worker doon.
Upang magmukhang legal ang pagkuha sa kapwa Pinay, nagpakita pa ng Civil ID ang suspek upang mabilis na maiproseso ang kaniyang mga dokumento.
Ngunit paglabas na paglabas pa lamang nila ng ahensiya, may sasakyan na ‘anyang naghihintay sa kanila at may sakay na itong dalawang lalaki.
Dinala sila sa isang liblib na lugar na walang tao at bigla na lamang nawala ang Pinay.
Doon ‘anya siya sinimulang gahasain ng dalawang lalaki.
Nang makatulog ang mga rapist, nakatakas ang ating kababayan at bumalik sa ahensiyang kanyang pinanggalingan at doon nagpatulong para makapag-file ng reklamo sa kapwa Pinay na nagpahamak sa kanya.
Nakalulungkot na nagaganap ang ganitong mga pangyayari kapalit ng pera.
Matapos ibenta, hindi na nakunsensiya itong Pinay na iwan at ipagahasa pa ang kababayan natin kapalit ng kaunting halaga lamang.
Wala na ngang mapagkakatiwalaan ang tao ngayon. Ang dati-rating magagandang asal, pawang nangawala nang lahat. Madaling masilaw ang tao sa pera.
Dahil sa matinding pangangailangan sa salapi, bisyo at kapritso sa buhay, wala nang umiiral pang budhi o kunsensiya sa mga taong ito na wala na ring pinipiling lugar na gawin ang katulad na krimen.
Hindi na rin ito namimili ng kasarian. Dati-rati, mahina ang loob ng babaeng gumawa ng ganitong klase ng kasamaan. Ngayon pare-pareho na lamang.
Mapa-lalaki o babae man, pare-parehong malalakas na ang loob na gumawa ng krimen ang mga kababayan nating ito, saan man sila naroroon.
Maging lalong mas maingat na lamang sana ang ating mga kababayan at huwag basta-basta magtitiwala kahit kanino.
Sabi nga, “Mag-ingat sa mga taong hindi natin kilala, ngunit mas mag-ingat sa mga taong kilala natin”.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, mula alas-10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Maaring tumawag sa aming Helpline: 0998.991.BOCW o bumisita sa aming Website: bantayocwfoundation.org o mag email sa: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.