HINDI dahil ginagawa ng iba, ibig sabihin ay tama na. Hindi rin dahil hindi hinuhuli, pwede ng gayahin. Ang tinutukoy ko ay ang hindi paggamit ng signal light ng mga nagmamaneho ng motorsiklo kapag sila ay lumiliko.
Ikinabit ng mga manufacturer ang signal devices sa motorsiklo hindi bilang palamuti. Dapat ay ginagamit ito para sa kaligtasan ng nakasakay sa motorsiklo at upang mabigyan ng babala ang ibang motorista kung saan ka pupunta.
Hindi dapat pabayaan na sira o hindi gumagana ang mga signal warning lights, busina, blinker, headlight, tail lights at mga katulad na bagay dahil ito ay paglabag sa traffic rules and regulation.
Ayon sa Revised Schedule of Fines and Penalties for Violations of Laws, Rules and Regulations Governing Land Transportation na ipinalabas ng Department of Transportation and Communication noong Hunyo 2, 2014, mayroong kaakibat na parusa ang paglabag na ito.
Dapat din sigurong ipaalala ng DOTC sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na dapat ipinatutupad ang regulasyong ito. Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P5,000. Mas mahal pa ito kaysa sa bibilhin mong signal light na maaaring kinakatamaran mong asikasuhin.
Ang lumabag na sasakyan ay kukumpiskahin din at palalabasin lamang sa impounding area kung naikabit na o naayos na ang problema. Kalimitan na wiring ang problema kung bakit hindi gumagana ang mga turning signal lights.
Pero bago paki-alaman ang mga linya ng kuryente, tignan muna dahil baka naman pundido lang ang bombilya nito. Kung mahina ang ilaw at lumalakas kapag nirerebolusyon ang sasakyan maaaring may problema sa ground.
Tignan at baka marumi lamang ang bulb housing kaya hindi pumapasok ng maayos ang kuryente.
Minsan ito rin ang dahilan kung bakit hindi umiilaw ang bombilya. Kung hindi ito ang problema, baka mayroon namang putol na linya.
Kung kayang pagdugtungin ay gumamit ng electrical tape. Sakaling hindi mo alam ang gagawin, kumonsulta na lamang sa isang mapagkakatiwalaang electrician.
Tandaan na ang motorsiklo ay umaandar sa gasolina kaya kung magkakaroon ng short circuit at leak ay maaaring umapoy ang sasakyan. Mas malaking problema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.