NAGBABALA ang isang grupo na nagsusulong ng karapatan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ngayon na posibleng magkaroon ng malawakang layoff sa Middle East dulot ng krisis sa enerhiya na dinaranas sa nasabing rehiyon.
Halos isang milyong Overseas Filipino workers ang nasa Middle East ngayon at doon nagsusumikap para magkaroon ng maayos na buhay ang kanilang pamilya na narito sa bansa.
Ayon sa grupong Migrante, naaalarma sila sa posibleng mangyari sa may 50,000 migrant workers na nakabase sa Saudi Arabia. Nakaamba ang pagsibak sa kanila sa trabaho, na karamihan ay mga empleyado ng Saudi Oger Ltd at Bin Laden Co., dalawa sa pinakamalaking kontraktor na kinuha ng gobyerno ng Saudi Arabia.
Ang nakaambang pagsibak sa 50,000 OFWs ay base na rin sa mga austerity measures na ipinatutupad ngayon ng pamahalaan ng Saudi dahil sa krisis sa enerhiya. Patuloy kasi ang pagbagsak ng presyo ng langis na inilalako ng Saudi Arabia at iba pang bansa sa Gitnang Silangan sa pandaigdigang pamilihan dahilan para maapektuhan ng malaki ang kanilang mga negosyo.
Dahil sa problemang ito, malaki naman ang epekto nito sa ating mga kababayan na nagtatrabaho sa Middle East. Isang malaking krisis ito na dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan, hindi sa pamamagitan ng mga motherhood statement o salita lang na nakahanda na ang gobyerno para saluhin ang mga OFWs na masisibak sa trabaho.
Parang napakadali sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpawi sa pangamba ng mga apektadong OFWs at ng grupong Migrante sa simpleng pagsasabi na may nakahanda na itong mga programa para sa mga OFWs na maaapektuhan ng krisis o silang masisibak sa trabaho at mapapauwi sa bansa nang di oras.
Kumpiyansang-kumpiyansa ang DOLE na may solusyon na sila rito; kara-karakang nasabi na kesyo may nakaabang na raw na mga trabaho sa mga OFWs na mawawalan ng trabaho at mapapauwi sa bansa.
Pero tila malayo ito sa katotohanan.
Ayon sa Migrante at mismo na rin sa mga OFWs na apektado ng krisis, noon pang Oktubre ay iniinda na nila ang dagok na ito, pero walang suporta at tiyak na tulong na maibigay ang gobyerno sa kanila.
Andon na nakatambay na lang ang mga nasibak na OFW sa Saudi, hindi mapauwi kahit nagpapa-repatriate na . Tapos ngayon ang dali-daling sabihin ng DOLE na handa silang tulungan ang mga abang OFW na mawawalan ng trabaho.
Ang hirap sa DOLE iba ang sinasabi nio sa kanyang ginagawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.