SINO ba naman ang kokontra sa matapang at walang ka-kabog-kabog na pahayag ng dating Supreme Court Justice at ngayon ay Ombudsman Conchita Carpio Morales na “super” dami ang bilang ng mga opisyal ng gobyerno ang corrupt o tiwali.
Sino ba rin naman ang maglalakas-loob na tumutol sa kanyang panawagan sa lahat ng botanteng Pilipino na huwag magpaka-bobotante sa darating na halalan; at piliin na maging wais sa mga ibobotong pangulo, bise pre-sidente, senador, partylist at mga local officials sa Mayo 9.
Wala sigurong tututol sa mga pahayag na ito ni Morales, lalo pa’t totoo naman na hanggang ngayon ay talamak pa rin ang korapsyon sa gobyerno. Katibayan nga nito ay ang sandamakmak na reklamo ng graft and corruption na inihain sa tanggapan ng Ombudsman na dinidinig at naisampa na rin sa Sandiganbayan.
Karamihan sa mga bagong kaso na naisampa noong isang taon ay nagdadawit sa 1,092 local na opisyal habang nasa mahigit 600 naman ang naisampa laban sa sinasabing mga tiwaling pulis.
Ginawa ni Morales ang pahayag matapos bumagsak ang standing o ranking ng bansa sa Transparency International’s Corruption Perceptions Index noong isang taon. Nasa ika-95 pwesto ang Pilipinas noong 2015 habang nasa ika-85 pwesto naman ito noong 2014. Mas mataas ang ranking, mas corrupt na maituturing ang isang bansa.
Hindi malabong tumaas pa ito sa mga susunod na taon, depende na lang kung paano natin dedesisyunan ang paparating na halalan sa Mayo.
Hindi rin naman imposible na bumaba rin ang bilang ng mga kasong graft and corruption sa mga susunod na taon. And again, ito ay depende na lang kung paano natin huhusgahan ang mga kandidatong nais daw maglingkod sa bayang Pilipino ngayong eleksyong darating.
Nasa kamay natin, tayong mga botante, kung papayagan nating lalo pang tumaas ang bilang ng mga opisyal ng pamahalaan na walang ginawa kundi mang-umit, magnakaw, mandambong ng kaban ng bayan.
Hindi kaya ng isang gaya ni Ombudsman Morales ang laban sa mga magnanakaw sa gobyerno. Kailangan niya ang tulong nating mamamayan para kahit papaano ay mapababa ang bilang ng mga tiwala sa pamahalaan. At ito ay magagawa natin kung tayo ay magpapakawais sa pagpili ng ating mga ihahalal na lider, mula sa pagkapangulo hanggang sa mga miyembro ng konseho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.