Tax exemption kay Pia Wurtzbach inaprubahan
Walang isang oras bago dumating si 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach, inaprubahan ng House committee on ways and means ang panukalang pagbibigay ng tax exemption sa kanyang mga napanalunan.
Hindi naman tiyak kung magkano ang halaga ang buwis na pababayaran kay Wurtzbach na pumunta kahapon sa Kamara de Representantes upang tanggapin ang Congressional Medal of Honor at ang mga resolusyon ng pagkilala sa kanya.
Sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, may-akda ng panukalang tax exemption, na isang malaking karangalan ang ibinigay ni Wurtzbach sa bansa.
Walang tumutol sa panukala ni Rodriguez kaya inaprubahan ito ni AAMBIS OWA Rep. Sharon Garin, vice chairman ng komite, na siyang nanguna sa pagdinig.
Nauna ng sinabi ni Wurtzbach na handa siyang bayaran ng buwis na ipapataw sa kanya ng Bureau of Internal Revenue.
Maaaring buwisan ang suweldo ni Wurtzbach sa loob ng isang taon bilang Miss Universe, ang kanyang korona na nagkakahalaga ng $300,000, modeling contract, scholarship at iba pa niyang kikitain.
Posible rin na sa Estados Unidos magbayad ng buwis si Wurtzbach. Dahil mayroong tax treaties ang Pilipinas at US, hindi na siya pagbabayarin dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.