Stephen Curry binuhat ang Golden State Warriors vs Indiana Pacers
OAKLAND, California — Gumawa si Stephen Curry ng 39 puntos para tulungan si coach Steve Kerr na magwagi sa kanyang season debut para sa Golden State Warriors sa itinalang 122-110 pagwawagi laban sa Indiana Pacers sa kanilang NBA game kahapon.
Nagbalik si Kerr buhat sa kanyang leave of absence na nagsimula pa noong Okutbre 1 bunga ng komplikasyon mula sa dalawang back surgery at ang defending champion Golden State ay ipinagkaloob sa kanya ang ika-38 straight home game na panalo sa Oracle Arena para tapatan ang 1985-86 Boston Celtics para sa third-longest home winning streak all-time. Ang Warriors ay 20-0 sa kanilang homecourt ngayong season.
Si Curry ay nagdagdag ng 12 assists at 10 rebounds para itala ang kanyang ikalawang triple-double ngayong season at ikapito sa kanyang career. Siya rin ang naging kauna-unahang manlalaro sa kasaysayan ng NBA na gumawa ng 200 3-pointers sa apat na diretsong season.
Si Myles Turner ay umiskor nga career-high 31 puntos at humablot ng walong rebounds para sa Pacers.
Spurs 108, Lakers 95
Sa Los Angeles, kumana si Manu Ginobili ng season-high 20 puntos habang si Kawhi Leonard ay nagdagdag ng 18 puntos para sa San Antonio Spurs na tinalo ang Los Angeles Lakers tungo sa pagsungkit ng ika-13 diretsong pagwawagi.
Si Kobe Bryant ay umiskor ng limang puntos sa ika-10 anibersaryo ng kanyang 81-point game laban sa Toronto Raptors, na second-highest scoring performance sa kasaysayan ng NBA.
Pinarangalan ng Lakers si Bryant sa nasabing laro sa pagpapakita ng mga highlights sa kanyang career-high scoring game noong 2006, subalit si Ginobili ang nagpakita ng throwback performance kung saan ang Argentine veteran ay tumira ng 9 for 10 field goals at nagdagdag ng apat na rebounds at apat na assists para sa Spurs na nakubra ang ika-20 panalo sa kabuuang 21 laro.
Kumana si D’Angelo Russell ng 18 puntos para sa Lakers, na natalo ng limang sunod at ikasiyam sa 10 laro.
Raptors 101, Heat 81
Sa Toronto, kumamada si Kyle Lowry ng 15 puntos at anim na assists para sa Toronto Raptors na tinambakan ang Miami Heat para makubra ang season-high na pitong diretsong panalo.
Si DeMar DeRozan ay nagdagdag ng 33 puntos para sa Raptors.
Si Chris Bosh ay kumana ng 26 puntos habang si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 22 puntos para sa Miami.
Hornets 120, Magic 116 (OT)
Sa Orlando, Florida, nagtala si Kemba Walker ng 40 puntos at siyam na assists habang si Spencer Hawes ay gumawa ng go-ahead 3-pointer may 17 segundo ang nalalabi sa overtime para tulungan ang Charlotte Hornets na malusutan ang Orlando Magic.
Umiskor si Victor Oladipo ng 29 puntos para sa Magic, na natalo ng limang diretso at ikasiyam sa 10 laro.
Si Tobias Harris ay nagdagdag ng 22 puntos habang si Nik Vucevic ay nagtala ng 15 puntos at 12 rebounds.
Ang tinadtad ng injury na Hornets ay nagawang makabangon buhat sa 18-puntos na paghahabol sa ikaapat na yugto matapos ma-outscore ang Magic, 22-3, sa loob ng pitong minuto para mawakasan ang 10-game road losing streak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.