HANGGANG ngayon ay hindi pa rin maka-move on ang marami sa ating pensioner at ang kani-kanilang pamilya sa ginawang pagbaril ni Pangulong Aquino sa panukalang itaas ng P2,000 ang pension sa Social Security System.
Kabi-kabilang paliwanag na ang ibinigay ng kampo ni Ginoong Aquino at sinaklolohan na rin siya ng mga patabaing opisyal ng SSS para mapahupa ang galit ng mahigit dalawang milyong pensioner at kanilang pamilya, pero hindi pa rin mapabilib ang mga ito.
Lahat sila, maging ang mga SSS members na malayo pang maging pensioner, ay hindi makapaniwala sa pagiging manhid ng administrasyong Aquino, kabilang na ang mga tao nito sa SSS na alam naman ng lahat ay kapritsoso ang mga sweldo at “perks” na kanilang tinatanggap na galing sa dugo at pawis ng mga miyembro ng ahensiya na karamihan ay hindi naman mayayaman.
Gaya na nang naikatwiran ng Palasyo at maging ng SSS, hindi raw patas ang gagawing dagdag na pension kung ang kapalit naman nito ay ang pagkabangkarote ng ahensiya sa mga susunod na taon.
Ang P2,000 across-the-board increase ay mangangahulugan ng P56 bilyong gastos kada taon para sa dalawang milyong pensioner; habang ang taunang kita lang ng SSS mula sa mga investment nito ay nasa P40 bilyon lamang. Ibig sabihin, may deficit na P16 bilyon na siya namang tutustusan ng investment reserve fund ng SSS.
Kung ganito raw ang mangyayari, masasaid ang pondo ng SSS sa 2029, at ang mga masisipag na nagtatrabaho at nagko-contribute sa ahensiya ngayon ay wala nang makukuha sa panahong sila naman ang maging pensioner.
Mas manhid daw ang magiging tingin kay Ginoong Aquino sa sandaling payagan niya ang P2,000 increase para sa ating mga pensioner habang magdudusa naman ang mahigit 30 milyon na miyembro ng SSS sa sandaling maubos na nga ang pondo nito.
Hanggang ganon na lang ba ang kaya ng administrasyong Aquino? Ang iiwas ang sarili nito sa anumang magiging sumbat sa kanya ng mamamayan? Wala ba itong maisip na paraan para matustusan ang pangangailangan ng mga pensioner, mga contributor ngayon at soon-to-be-pensioner, at ng ahensiya?
Hindi ba’t mga exceptional ang galing ng mga pinuno at tauhan ng SSS kung kaya nga ganon na lang kalaki ang kanilang mga sweldo, allowance at kung ano-ano pang kapritso?
Nasan na ang mga ipinagmamalaking investment ng SSS na kumikita raw? At nasan naman ang mga bad investment na nagpalugi sa ahensiya ng ilang milyong piso? Imposibleng wala. Naging bukas o transparent ba talaga ang SSS sa mga naging negosyo nito?
Hindi lang ito usapin kung tama o hindi tama ang dagdag na P2,000 pension sa ating mga lolo at lola at sa mga pamilyang maagang naiwan ng kanilang mga magulang; kundi usapin din ito sa kung hanggang saan ang kayang gawin ng gobyerno at ng kanyang mga ahensiya gaya ng SSS para matiyak na maibibigay nito ang tunay na social security para sa kanyang mamamayan.
Ang ginawa ng gobyerno na basta barilin na lamang ang panukala, kaysa sumubok at humanap ng paraan para maibigay ang nararapat sa mga kababayan na wala naman talagang inaasahan kundi ang kanilang gobyerno, ay talagang walang puso at pakiramdam sa tunay na kalagayan ng mamamayan na noon pa man ay nagdarahop na sa buhay. Wala talagang puso, manhid lang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.