NANGUNGUNA sa survey ng mga presidentiables si Vice President Jojo Binay, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Kung ang SWS survey ang magiging basehan natin sa kahihinatnan ng national election sa dara-ting na Mayo, ang magi-ging pangulo ng Pilipinas ay nanalo hindi dahil mas maganda ang kanyang plataporma kesa kanyang mga kalaban.
Nanalo siya dahil hindi na kinikilatis ng mga botante ang kanyang pagkatao.
Wala nang pakialam ang mga botante kung ang kandidato ay may
integridad o siya’y kawatan.
Isang kaibigan ko ang nagpahayag ng sentimiyento ng madla nang sinabi niya, “Pareho-pareho lang sila, Mon.”
Ibig niyang sabihin lahat ng kandidato— sa pagka-pangulo hanggang sa konsehal—ay hindi mapagkakatiwalaan.
Ang kaisipan ng karamihan ay kahit na ang isang kandidato ay tapat na maglingkod, kapag siya’y nasa puwesto na nanakawan niya ang taumbayan.
Yan ang kaisipan ng mga botante na maliliit at makikitid ang utak pero, masakit mang sabihin, karamihan ng ating mga botante ay mga bobo.
Bakit ang isang kandidato — halimbawa, pagka-mayor — na ang
motibo ay tapat na maglingkod sa bayan ay nagiging magnanakaw kapag siya’y nahalal?
Dahil ang mga botante ay pinilit siyang sumuka ng perang kanyang pinaghirapan sa kampanya.
Dahil pinasuka siya ng malaking halaga noong kampanya, siyempre babawiin niya ang perang nawala sa kanya kapag nasa puwesto na siya.
Kahit na siya’y nahalal na, marami pa ring tao na pumupunta sa kanyang opisina o bahay upang humingi ng pera para sa pagkain, medisina, pamasahe, tuition para sa mga anak, upa sa bahay at kahit na pangsugal.
Minsan, dinalaw ko ang aking kasamahan sa pamamahayag, na naihalal na congressman sa kanyang distrito sa Visayas, kung bakit binibigyan pa rin niya ng pera ang mga pumupunta sa kanya kahit na alam niyang hindi tama.
Nakita ko ang mahabang linya ng tao sa labas ng kanyang gate na naghihintay na makita o makausap siya.
“Yung babae na yan, Mon,” itinuro niya ang isang sisingkuwentahin na babae, “pumupunta siya rito sa katapusan ng buwan upang humingi ng pambayad sa upa ng kanyang bahay.”
“Kung hindi ko siya bibigyan, ikakalat niya sa kanyang buong barangay at hindi na ako iboboto sa susunod na halalan,” sabi ng aking kaibigan at kumpare.
Itinuro din niya ang ibang mga “suki”— isang lalaki na humihingi ng pamasahe; isang babae na may bitbit na bata at hawak-hawak ang isang reseta; isa pang lalaki na humihingi ng pangsabong.
Dahil napipilitan siyang mamigay sa mga tao kahit masama sa kanyang kalooban ang dahilan na hindi na siya tumakbo muli para congressman.
Siya’y nakabalik na sa broadcasting at natutuwa na siya’y natauhan.
Batu-bato sa langit, ang tamaan huwag magagalit.
Dapat ay ibalik na natin ang kagawian noong mga unang panahon nang hindi
ipinaboboto ang mga taong “no read, no write” o mga illiterate.
Kapag hindi na ipinaboto ang mga illiterate baka maiboboto natin ang mga opisyal na karapat-dapat.
Isa pa, hindi mag-aaksaya ang gobyerno ng oras at hirap dahil ang illiterate ay dapat samahan sa polling booth ng isang tao na marunong magsulat at magbasa.
Kinakailangan pang ituro sa illiterate ang mga pangalan ng kandidatong kanyang pipiliin.
At dahil wala siyang alam sa isyu, iboboto niya ang kandidato na nagbigay sa kanya ng pera.
Kaya lang, kapag hindi mo ipinaboto ang mga illiterates baka kalahati ng voting population ay hindi na makakaboto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.