NITONG mga nakaraang araw ay nagsilbi nang tagapagsalita ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte ang kanyang ka-tandem na si Sen. Alan Peter Cayetano.
Ang nakakagulat kay Cayeyano, gayang-gaya na niya ang estilo ni Digong na maton kung magsalita. Nariringgan na si Cayetano ng mga banat na magiging “disaster” para sa mga kriminal at mga sangkot sa katiwalian ang unang anim na buwan nh panunungkulan nila ni Digong.
Halatang nag-iba na ang tono ni Cayetano simula nang maging running mate ni Digong. Naging brusko at pa-macho na ito.
Nagtapos si Cayetano sa Ateneo na kilalang malumanay na at hindi makabasag ng pinggan.
Bukod sa walang originality si Cayetano, hindi bagay sa kanya ang nagpapanggap na matapang.
Imbes na si Digong ang umalma sa batikos na magiging disaster para sa Pilipinas ang isang Duterte presidency, si Cayetano ang agad na pumiyok.
Halatang umeepal lang itong si Cayetano!
Halata namang gusto lamang sumakay sa estilo ni Digong.
Sa tulad ni Cayetano na anak-mayaman at halatang hindi lumaki na nakikihalubilo sa mga karaniwang tao sa kalye, hindi bagay sa kanya ang magpanggap na barako.
Hindi katulad ni Digong na talagang personalidad na niya ang maging brusko.
Nagbabala pa si Cayetano na kanilang wawalisin ang kriminalidad sa bansa, partikular na ang iligal na droga sakaling manalo silang dalawa ni Digong.
Noong nililigawan pa lamang ni Cayetano si Duterte para siya ang kuning ka-tandem, unti-unti na itong laging nagpalapansin sa Senado at sinasakyan ang lahat ng isyung pwede siyang makaepal.
Kung tutuusin, kung ginawa lamang ni Cayetano ang kanyang trabaho bilang mambabatas para maisabatas ang mga panukala laban sa mga katiwalain at kriminalidad, hindi na niya kailangang sumakay sa estilo ni Digong para lamang sabihin na kagaya niya si Duterte na may kamay na bakal.
Kongresista pa lamang si Cayetano, sinasabi na niya ang linyang, “Filipinos are tired of rampant crime and corruption in the government.”
May nagawa ba siya para matigil ang kriminalidad at katiwalian sa kanyang ilang taong pagiging kongresista at senador?
At ngayon ngang ka-tandem na niya si Duterte ay nagtatapang-tapangan na rin si Cayetano.
Dapat ay huwag nang sumakay si Cayetano sa estilo ni Duterte na matapang at may kamal na bakal.
Aminin na lamang niya na iba siya at si Digong at hindi niya puwedeng gayahin ang kanyang estilo dahil nagmumukha lamang siyang trying-hard.
Nakilala na si Duterte bilang kinatatakutan ng mga kriminal. Kahit pa kinaiinggitan ni Cayetano ang karakter na ito ni Digong, mas mabuti na huwag na lang siyang makisakay.
Alam naman ng mga botante na ginagawa ito ni Cayetano sa pagnanais na umangat ang kanyang rating sa survey kung saan malayo siyang pumapangatlo lamang sa survey.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
