MIAMI — Gumawa si Hassan Whiteside ng 25 puntos at 19 rebounds habang si Gerald Green ay nagdagdag ng 19 puntos mula sa bench para sa Miami Heat na dinurog Dallas Mavericks, 106-82, kahapon para wakasan ang dalawang larong pagtatalo.
Si Chris Bosh ay umiskor ng 16 puntos habang si Goran Dragic ay nag-ambag ng 15 puntos at pitong assists para sa Heat.
Binago ng Miami ang kanilang starting lineup bago ang tip-off dahil si Dwyane Wade ay tinamaan ng trangkaso. Si Wade ay pinaglaro sa pagsisimula ng ikalawang yugto na ika-10 pagkakataon niyang maglaro mula sa bench sa kanyang 13-year career. Nagtapos siya na may 10 puntos mula sa 5-of-6 shooting.
Nagbuslo si Whiteside ng 12 sa kanyang 16 tira para sa Heat na itinala ang pinakamalaking panalo ngayong season.
Gumawa ang Dallas ng 10 puntos sa unang yugto — na pinakamababa nila sa isang quarter ngayong season — at tumira ng 36 porsiyento sa laro kumpara sa 56 porsiyento ng Miami.
Pinangunahan ni Zaza Pachulia ang Mavericks sa ginawang 14 puntos at 13 rebounds.
Naputol naman ang four-game winning streak ng Dallas.
Bulls 108, Knicks 81
Sa Chicago, umiskor si Jimmy Butler ng 23 puntos habang si Nikola Mirotic ay gumawa ng 17 puntos at pitong assists para tulungan ang Chicago Bulls na tambakan ang New York Knicks.
Si Pau Gasol ay nagdagdag ng 17 puntos at walong rebounds para sa Bulls na nanalo sa ikaapat na pagkakataon sa limang laro at nakaganti sa tambakang pagkatalo sa New York noong Disyembre 19. Ang rookie reserve na si Bobby Portis ay nag-ambag ng 16 puntos at 10 rebounds sa kanyang ikatlong sunod na laro na umiskor ng double figures.
Sinayang ng Bulls ang 17 puntos na kalamangan bago tuluyang kumawala sa Knicks sa ikaapat na yugto.
Si Carmelo Anthony ay umiskor ng 20 puntos para sa New York, na natalo sa lima sa anim na laro.
Hindi nakapaglaro para sa Chicago si Derrick Rose sa ikalawang sunod na laro bunga ng right hamstring tendinitis.
Raptors 104, Hornets 94
Sa Toronto, kumana si DeMar DeRozan ng 23 puntos habang si Kyle Lowry ay nagdagdag ng 18 puntos at 11 assists para sa Toronto Raptors na nagawang makabangon para talunin ang Charlotte Hornets.
Ito ang ikaapat na double-double ngayong season ni Lowry, na tinulungan ang Raptors na makabangon buhat sa pitong puntos na paghahabol sa pagpasok ng ikaapat na yugto at nakaganti sa 109-99 pagkatalo sa Charlotte noong nakaraang buwan.
Sina DeMarre Carroll at Patrick Patterson ay nag-ambag ng tig-14 puntos para sa Toronto.
Si Kemba Walker ay gumawa ng 18 puntos para sa Hornets.
Wizards 103, Magic 91
Sa Washington, kumamada si John Wall ng 24 puntos at 13 assists habang si Otto Porter ay kumamada ng 20 puntos at 11 rebounds para sa Washington Wizards na pinalawig ang pagdomina sa Orlando Magic.
Napanalunan ng Wizards ang ika-11 diretsong laro laban sa umaangat na Magic, na pumasok sa laro na may 13-5 record magmula noong Nobyembre 25, na pinakamahusay sa Eastern Conference.
Kumana si Wall ng 12 puntos sa ikaapat na yugto habang si Kris Humphries ay ginawa ang lahat ng kanyang 11 puntos sa huling yugto. Ang jumper ni Humphries may 7:38 ang nalalabi ang nagpasimula ng 15-3 ratsada ng Wizards na nagbigay sa kanila ng 93-81 kalamangan may 3:51 ang nalalabi sa laro.
Pinamunuan ni Victor Oladipo ang Orlando sa ginawang 20 puntos.
Lakers 93, 76ers 84
Sa Los Angeles, kinamada ni Lou Williams ang 12 sa kanyang 24 puntos sa ikaapat na yugto habang si Jordan Clarkson ay nag-ambag ng 19 puntos para pangunahan ang Los Angeles Lakers sa panalo kontra Philadelphia 76ers.
Si rookie forward Larry Nance Jr., na nagdiwang ng kanyang ika-23 kaarawan at naglaro na may iniindang pananakit sa kanang paa, ay nagtala ng season-high 14 rebounds at walong puntos para sa Lakers.
Si Julius Randle ay umiskor ng 15 puntos mula sa bench para sa Los Angeles sa matchup ng mga koponang may pinakamasamang record sa NBA.
Hindi naman naglaro si Kobe Bryant para sa Lakers (7-27) laban sa kanyang hometown team bunga ng namamagang kanang balikat.
Si Nerlens Noel ay nagtala ng 15 puntos at 12 rebounds para sa Sixers (3-32), na tinapatan ang NBA record na 0-18 start bago tinalo ang Lakers noong Disyembre 1 sa Philadelphia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.