2015 SHOWBIZ PASABOG: MURAHAN, TSUGIHAN, KAPALPAKAN AT SUICIDE
Nina Djan Magbanua at Ervin Santiago
KAHIT na gaano pa katindi ang gawing pagkontrol at pagpapasensiya ng mga kilalang celebrities pagdating sa pagpatol sa mga bastos at mapanglait na bashers sa social media, may mga pagkakataong kailangan nang pumatol ang mga ito para lang ipamukha sa mga netizens na mga tao rin sila na nasasaktan din.
Punumpuno pa rin ng iskandalo at mga nakagugulat na balita ang taong 2015 para sa mundo ng showbiz – may naghiwalay, may youngstar na nagpakamatay, may nakipagmurahan sa bashers, may nahuli raw na naghahalikan, may tsinugi sa teleserye dahil bumalik sa dating bisyo, at kung anu-ano pang mga nakakalokang kadramahan at kapalpakan.
Bago matapos ang Year of the Sheep, nais naming sariwain sa inyong isipan ang 10 pinakapinag-usapang “showbiz pasabog” sa nakaraang 12 buwan.
Luis tinawag na bakla, nagwala
Na-shock ang followers ni Luis Manzano sa social media nang murahin nito ang isang Twitter user na si @ItsMeArnel. Pinuna nito ang isang litrato ng TV host-actor – para raw bakla ang posing doon ni Luis. Tweet nito, “@luckymanzano aminin mo na bakla ka! bwahahahahaha! Mga cnungaling kaung artista, ang pinakamababang propesyon sa buong universe!”
Dito na nabwisit ang binata at talagang patol kung patol ang emote niya. Tinawag niyang “baboy” ang basher, “Oink oink!!! Ingat sa mga fiesta pards!!! Dapat na headline ermat mo dati, nanganak ng biik!
Ingat din sa paglabas brad, baka ma-sibat ka! Ha-hahahahaha!”
Inakala ng fans ni Luis na na-hack ang kanyang Twitter account pero inamin nitong siya talaga ang nag-post ng mga maaanghang na mensahe, katuwaan lang daw ang ginawa niya dahil bored na siya.
James Reid sumabog na sa kissing scandal
Galit na galit ang ka-loveteam ni Nadine Lustre na si James Reid nang ibuking ng isang netizen na nakita silang naghahalikan ni Julia Barretto sa isang bar. Ayon sa nagpakilalang JaDine fan, magpapa-picture raw sana siya kay James pero dinedma siya nito. Kaya ginantihan niya ito sa pamamagitan ng pagpapakalat ng balita na nahuli niya sa akto na naghahaikan sina James at Julia.
Inilabas ng aktor ang kanyang galit sa kanyang Instagram account at nag-dialogue ng, “Give me a break.
Does anyone really think I would have sex in a bar/public place… Stupid. If e-veryone wasn’t so gullible
I wouldn’t even have to be explaining my private life right now!”
Enrique, Liza, Jessy bidang-bida sa “airplane scandal”
Bentang-benta sa madlang pipol ang sumabog na balita tungkol sa pagwawala ni Enrique Gil sa loob ng eroplano habang patungo sila sa London para sa ASAP20 Tour dahil daw sa sobrang kalasingan. Ayon sa chika, binastos diumano ng binata si Jessy Mendiola hanggang sa madamay si Liza Soberano nang awatin nito ang ka-loveteam. May sampalan pa nga raw na nangyari.
Hindi man idinetalye ni Enrique ang insidente, ma-tapang itong humarap on national TV para akuin ang kanyang pagkakamali kasabay ng paghingi ng sorry sa lahat ng nadamay sa iskandalo.
Nagpasalamat din ito kay Liza dahil hindi siya inwan ng dalaga sa kabila ng mga nangyari.
JM minalas na sa career, iniwan pa ng dyowa
Attitude problem. Yan ang sinasabing dahilan kaya biglang tinanggal sa seryeng All Of Me si JM de Guzman na ikinabigla ng kanyang mga tagasuporta. May mga bulong-bulungan pa na bumalik daw ito sa kanyang pagbibisyo kaya laging nale-late sa taping ng kanyang serye. Pero mariin itong itinanggi ng aktor.
Ang sinasabi naman ng ilang malapit sa aktor, ang tunay na dahilan daw kung bakit muling napariwara ang binata ay dahil sa biglang paghihiwalay nila ni Jessy. Diumano, ang nanay ng aktres ang dahilan kung bakit muling nag-break ang dalawang Kapamilya stars.
Mocha, Jim Paredes nagkainitan dahil kay Duterte
Nagkasagutan sa kanilang Facebook account ang sex guru na si Mocha Uson at veteran singer-composer Jim Paredes nang dahil kay Rodrigo Duterte. Nag-post kasi ng “blind item” ang sexy singer laban isang beteranong OPM artist na kilala bilang isang “patriotic family man” na diumano’y napakaplastik at nagmamalinis matapos tirahin si Duterte at tawaging imoral. Sinagot naman ito ni Jim Paredes at sinabing kara-patan niyang maglabas ng kanyang opinyon sa mga national issue kabilang na ang 2016 presidential elections. Nakiusap din ito kay Mocha na magpakatotoo,
Dyowa ni Ruffa hinding-hindi matatanggap ni Annabelle
Nagpalitan ng maaanghang na salita ang mag-inang Ruffa Guttierez at Annabelle Rama dahil sa boyfriend ng dating beauty queen na si Jordan Mouyal. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin matanggap ng ina ni Ruffa ang dyowa nitong foreigner, dapat daw maghanap ang kanyang anak ng lalaking makapagbibigay sa kanya ng marangyang buhay.
Nag-walkout pa nga si Ruffa sa mismong birthday ng kanyang ina matapos nitong pagsabihan ng masasakit na salita ang kanyang BF. Ilang buwan din ang lumipas bago tuluyang nagkaayos ang dalawa.
Kamakailan lang ay nasabi ng talent manager na nagbati na sila ng anak dahil hindi na niya nakikitang magkasama sina Ruffa at Jordan.
KrisTek love story pinatunayang #WalangForever
Pagkatapos ma-sangkot sa iskandalo dahil sa kanilang “bawal” na relasyon, dismayado rin ang mga tagasuporta nina Kris Aquino at Herbert Bautista nang mabalitang hindi na matutuloy ang gagawin nilang pelikula para sa MMFF. Kung matatandaan, nagkaroon ng drama queen moment si Kris nang bigla itong mag-inarte na hindi na niya gagawin ang “All You Need Is Pag-ibig” dahil sa kung anu-anong dahilan. Todo-post si Tetay sa kanyang social media accounts ng iba’t ibang rason kung bakit hindi niya puwedeng gawin ang pelikula. Pero, bottomline, ayaw lang talaga niyang makasama uli si Bistek dahil may “pain” pa rin daw siyang nararamdaman.
American host ng Miss Universe 2015 palpak, inupakan ng netizens
Isang napakalaking kapalpakan ang nangyari sa grand coronation night ng Miss Universe 2015 nang magkamali ang host ng pageant na si Steve Harvey sa pag-announce ng winner. Sa halip na si Miss Philippines Pia Wurtzbach ang kanyang banggitin ay si Miss Colombia Ariadna Gutierrez ang tinawag niyang Miss Universe. Agad namang nag-sorry ang American TV host at inako ang kanyang pagkakamali.
Personal din siyang nag-sorry kay Pia dahil hindi naibigay sa dalaga ang “magic moment” na dapat niyang ma-experience bilang ikatlong Miss Universe ng Pilipinas.
Kapamilya teen star nag-suicide
Ginulat ng 15-year-old daughter ng award-winning showbiz couple na sina Nonie at Shamaine Buencamino ang industriya ng showbiz nang mabalitang nagpakamatay ito sa loob ng kanilang bahay noong Hulyo 7. Napanood si Julia Buencamino sa daytime series ng ABS-CBN na Oh! My G! na pinagbidahan ni Janella Salvador. Shocked ang kanyang mga kaibigan at katrabaho sa showbiz sa pagsu-suicide ng dalagita. Nakiusap naman ang mag-asawang Nonie at Shamaine na bigyan sila ng privacy sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng anak.
“We would like to make a firm request to allow us to mourn her passing in private. We make this appeal for privacy also on behalf of those close to us, who wish to remember Julia and celebrate her life in peace and quiet,” ang bahagi ng official statement ng pamilya.
Kapalpakan sa 2015 MMFF umabot na sa kongreso, MMDA chairman pinaiimbestihan
Mainit-init pa. Humabol sa listahan ng mga iskandalo ng 2015 ang nangyayaring gulo sa taunang MMFF. Ito’y nag-ugat sa pagkaka-diskwalipika ng “Honor Thy Father” ni Erik Matti sa Best Picture category. Ang rason ng committee ay di raw na-disclose sa kanila na ipina-labas na pala ang pelikula sa Cinema One Originals na mariin namang kinontra ng mga producer at ni Direk Erik. Although nanalo siyang Best Director no-show ito sa gabi ng parangal pero nagpadala siya ng text message kung saan sinabi nitong dismayado siya sa mga kapalpakan ng MMFF ngayong taon.
Umabot na rin ito sa kongreso matapos magsampa ng resolusyon si Laguna Cong. Dan Fernandez para maimbestigahan ang grupo ni MMDA at MMFF Chairman Emerson Carlos. Handa raw siyang harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanya. Aniya pa sa mga nagrereklamo, “Walang personalan, trabaho lang.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.