Cleveland Cavaliers wagi sa pagbabalik ni Kyrie Irving
CLEVELAND — Umiskor si Kyrie Irving ng 12 puntos sa 17 minuto paglalaro sa kanyang season debut habang si LeBron James ay gumawa ng 23 puntos para pamunuan ang Cleveland Cavaliers sa 108-86 panalo kahapon laban sa Philadelphia 76ers, na natalo ng 10 sunod at nahulog sa 1-28 kartada.
Naglaro si Irving sa unang pagkakataon matapos magkaroon ng left knee injury sa Game 1 ng NBA Finals laban sa Golden State Warriors. Kahit na wala siya, ang Cavs ay nagawang magtala ng 17-7 karta sa pagsisimula ng season. Subalit mas buo na ngayon ang Cleveland dahil nagbalik na siya at malusog na rin ang All-Star point guard.
Naghulog si Matthew Dellavedova ng apat na 3-pointers at nagdagdag ng 20 puntos para sa Cavs, na umangat sa 12-1 sa kanilang homecourt at makakaharap sa Christmas Day game ang Warriors. Hindi naglaro si James sa ikaapat na yugto para sa season-low 26 minutong paglalaro.
Si Nerlens Noel ay gumawa ng 15 puntos at 12 rebounds para sa Sixers, na may 0-17 record sa road at nasa ikalawang double-digit losing streak.
Heat 116, Trail Blazers 109
Sa Miami, umiskor si Chris Bosh ng 29 puntos habang si Hassan Whiteside ay nagtapos na may 22 puntos at 11 rebounds para sa Miami Heat na dinaig ang Portland Trail Blazers.
Si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 18 puntos at pitong assists para sa Heat, na naghabol sa 12 puntos sa isang banda at 10 sa halftime.
Tumira ang Heat ng 57 porsiyento at naglaro sa huling 13:37 na wala si Goran Dragic, na napatalsik sa laro sa unang pagkakataon sa kanyang career matapos magreklamo sa foul call.
Si Damian Lillard ay gumawa ng 32 puntos at siyam na assists para sa Portland.
Timberwolves 100, Nets 85
Sa New York, kumana si Karl-Anthony Towns ng 24 puntos at 10 rebounds para buhatin ang Minnesota Timberwolves sa panalo kontra Brooklyn Nets.
Si Gorgui Dieng ay nagdagdag ng 20 puntos at 10 rebounds, si Andrew Wiggins ay may 16 puntos at si Ricky Rubio ay nagbigay ng 15 assists para sa Timberwolves.
Si Brook Lopez ay nagtala ng 20 puntos, 12 rebounds at limang assists para sa Nets.
Hawks 103, Magic 100
Sa Orlando, Florida, kinamada ni Kyle Korver ang 13 sa kanyang 19 puntos sa ikaapat na yugto para tulungan ang Atlanta Hawks na maungusan ang Orlando Magic.
Tumira si Korver ng apat na 3-pointers sa huling yugto at anim sa kabuuan. Si Mike Scott ay nag-ambag ng 15 puntos at sina Al Horford at Jeff Teague ay umiskor ng tig-14 puntos para sa Atlanta na nagwagi ng tatlong sunod.
May pagkakataon sana ang Magic na itabla ang laro may 7.3 segundo ang nalalabi subalit kinuyog ng Hawks ang inbounds pass kay Evan Fournier. Nakuha ni Nik Vucevic ang bola subalit nabigo naman siyang maitira ang bola.
Pinamunuan ni Vucevic ang Orlando sa ginawang 20 puntos at 11 rebounds.
Kings 104, Raptors 94
Sa Toronto, nagtala si Rajon Rondo ng 19 puntos at 13 assists habang si Rudy Gay ay umiskor ng 19 puntos para sa Sacramento Kings na tinalo ang Toronto Raptors at winakasan ang four-game road losing streak.
Si Omri Casspi ay nag-ambag ng 15 puntos at 11 rebounds para sa Kings.
Gumawa si DeMar DeRozan ng 28 puntos para sa Raptors.
Napatalsik sa laro si Toronto point guard Kyle Lowry matapos tawagan ng magkasunod na technical foul nang makipagtalo kay referee Scott Wall may 7:22 sa ikatlong yugto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.