Terrence Romeo napiling PBA Player of the Week
ANG magkasunod na eksplosibong paglalaro ni Globalport Batang Pier guard Terrence Romeo laban sa Meralco Bolts at Mahindra Enforcers ang naging daan para makuha niya ang kanyang kauna-unahang Accel-PBA Press Corps Player of the Week sa 41st season ng Philippine Basketball Association.
Ipinakita ng 5-foot-10 Globalport guard kung bakit isa siya sa sumisikat na superstar ng pro league matapos niyang daigin si Meralco guard Jimmy Alapag sa 108-104 pagwawagi ng Batang Pier laban sa Bolts noong Disyembre 9.
Ang tinanghal na Most Improved Player noong nakaraaang season na si Romeo ay ibinuhos ang 12 sa kanyang season-high 33 puntos sa huling yugto para ipreserba ang panalo ng Globalport at balewalain ang biglang pagputok ni Alapag sa ikaapat na yugto.
Hindi naman ininda ni Romeo ang masagwang 3-point shooting matapos tumira ng kanyang kaisa-isa 3-point shot sa laro bago maghulog ng layup para ihatid ang Globalport sa 118-116 overtime pagwawagi kontra Mahindra.
Ang panalo ng Globalport sa Mahindra ang naglapag sa Batang Pier sa solong ikaapat na puwesto sa 7-3 kartada at masungkit ang twice-to-beat advantage papasok sa quarterfinals.
Ang dating Far Eastern University star ay nag-average ng 31 puntos, 6.5 rebounds at 4.0 assists sa dalawang panalo ng Batang Pier noong nakaraang linggo para talunin sa lingguhang parangal ang kakamping si Stanley Pringle, San Miguel Beermen guard Alex Cabagnot, Blackwater Elite guard Carlo Lastimosa at Barangay Ginebra Kings guard Scottie Thompson.
Pipilitin naman ng Globalport na palawigin ang kanilang franchise-best ikaapat na diretsong panalo sa pagharap nila sa Talk ‘N Text sa Biyernes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
