Sa kabila ng apela ni PNoy, BBL hindi natalakay sa Kamara
Umapela man si Pangulong Aquino, walang quorum sa sesyon ng Kamara de Representantes kahapon kaya hindi natalakay ang panukalang Bangsamoro Basic Law.
Tanging 134 kongresista lamang ang pumasok sa sesyon, wala sa kinakailangang mahigit kalahati ng 287 kabuuang bilang ng mga mambabatas.
Sa panayam bago ang roll call, sinabi ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na hahayaan nila ang mga kongresista na nais na tumayo sa pagtalakay ng BBL.
Hindi rin matiyak ni Belmonte kung mapagbobotohan ang BBL bago ang Christmas break sa Disyembre 18.
Pero sinabi ni Belmonte na maaari pa ring mapagbotohan ang panukala sa pagbabalik ng sesyon sa Enero, bagamat mas abala na ang mga kongresista sa paghahanda sa 2016 elections.
Nagpatawag ng luncheon meeting si Pangulong Aquino sa Malacanang kahapon na dinaluhan ng 150 mambabatas.
Dito ay hiniling niya na ipasa ang BBL na bunga ng kasunduan ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.