Isang tatay na may iba’t ibang karamdaman ang nagpapatunay
Kahit saan kami magpunta ay isa lang ang palaging itinatanong ng mga kababayan natin tungkol kay Willie Revillame.
Ano raw ba ang dahilan kung bakit masyado siyang nagiging emosyonal kapag mga bata na ang pinag-uusapan?
Mula pa nu’ng Wowowee hanggang ngayon sa Wil Time, Bigtime ay ramdam na ramdam ang pagiging malapit ng kalooban ng aktor-TV host sa mga bata, lalo na sa mga special children, nakikita niya ang mga ito kahit nakatago pa sa audience gallery.
Isa lang ang alam naming sagot tungkol du’n.
Hindi kasi naging bata si Willie Revillame.
Sa napakaagang edad ay natali na agad siya sa pag-aalaga sa maliliit niyang kapatid sa ama at ina, hindi siya nakapaglaro na tulad ng mga ordinaryong bata, sa madaling salita ay napagdamutan siya ng kanyang kabataan.Aminado naman siya sa kanyang nakaraan.
Isang araw ay nandu’n siya sa poder ng kanyang ama, hindi pa man nag-iinit ang kanyang likod sa pagtulog ay kukunin naman siya ng kanyang ina, para siyang bolang pinagpapasa-pasahan noon ng magkabilang kampo.
“Napakatalim ng mga mata ko sa special children.
Nagho-host ako, pero nakikita at nakikita ko pa rin kahit tagong-tago na ang puwesto nila sa audience.
Iba, nararamdaman ko sila.
“At kapag niyayakap ko na sila, hindi ko man naiintindihan ang mga sinasabi nila, e, pasok na pasok sa puso ko ‘yun, masyado akong nagiging emotional.
Bukod sa matatanda, sa kanila ako masyadong naaapektuhan,” kuwento ng aktor-TV host.
Mula nu’n hanggang ngayon ay namamayagpag ang kanyang programa sa TV5, maraming humahadlang sa kanyang tagumpay, pero hindi siya pinababayaan ng kapalaran.
Umaga pa lang ay sobra na ang haba ng mga pila sa labas ng network, iba-ibang kulay ang makikita mo, dahil talagang nagpapagawa pa ng uniporme ang kanyang mga tagasuporta sa Wil Time, Bigtime.
Sabi nga ng anak-anakan naming si Kagawad Kokoy Gozun, “Si Kuya Willie ang pinaka-effective na gamot sa sakit ni Papa Bienvenido, kung ano-anong sakit ang nararamdaman niya sa maghapon, pero kapag napapanood na niya si Willie, parang himala na gumagaling siya pansamantala.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.