Bishop tinawag si PNoy na walang-puso kaugnay ng komento sa tanim-bala
TINAWAG na walang-puso ng isang obispo si Pangulong Aquino matapos ang kanyang komento kaugnay ng mga insidente ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na bumibiktima sa mga overseas Filipino workers (OFWs.
Sa isang panayam sa Radyo Veritas, sinabi ni Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Committee on Migrants and Itinerant Peoples Chairman and Balanga Bishop Ruperto Santos nagpapakita lamang ang pahayag ni Aquino na dedma siya sa mga isyung hindi popular.
“Dito natin makikita, kitang-kita na ang ating pangulo ay out of the situation sa laglag bala. Either na siya ay misinformed or sanitized yung information na ibinibigay sa kanya. Hindi siya nakababad sa ating mga OFWs. Dito makikita natin na walang [siyang] awa, walang habag at walang puso sa manggagawang nangingibang bansa,” dagdag ni Santos.
Inakusahan pa ni Santos si Aquino na binabaluktot ang katotohanan kaugnay ng tanim-bala.
“Ang ginawa nila ngayon, sinasabi nila na sabotahe ‘yan sa ating government, [na] propaganda ‘yan, politics ‘yan. Totoong nangyayari, hindi sabotage ‘yan. Nag-diversionary tactics sila kasi dedma [sila noon] tapos ngayon humahanap ng palusot,” ayon pa kay Santos.
Sa isang panayam sa Kuala Lumpur, sinabi ni Aquino na hindi siya kumbinsido na may tanim-bala na sindikato sa NAIA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.