Judge pinatay sa sabungan; suspek patay sa bodyguard
Nasawi ang isang municipal court judge nang barilin ng isang lalaki sa loob ng sabungan sa Pambujan, Northern Samar, kahapon.
Pero ilang saglit lang matapos iyon ay napatay din ng bodyguard ng huwes ang suspek, ayon sa pulisya.
Agad ikinasawi ni Reynaldo Espinar, judge ng Laong Municipal Circuit Trial Court, ang tama ng bala sa ulo, sabi ni Senior Insp. Mark Nalda, public information officer ng Eastern Visayas regional police.
Naganap ang pamamaril sa loob ng PADCOR cockpit arena sa Brgy. 8, Poblacion.
Nasa loob ng sabungan si Espinar at ang bodyguard niyang si Wilfredo Saromenes, nang ang huwes ay lapitan mula sa likod at barilin sa ulo ng isang lalaki, ani Nalda.
Pero matapos iyon, habang tumatakas ang suspek, ay nabaril at napatay ito ni Saromenes, na isang retiradong kawal ng Army, aniya.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ang kalibre-.9mm pistola ng di pa kilalang salarin, habang itinurn-over naman ni Saromenes ang kanyang kalibre-.45 pistola.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng salarin at kung anong motibo nito sa pagpatay kay Espinar, ang ikaapat na huwes na pinatay sa bansa ngayong taon.
Pinatay si Espinar matapos ding barilin at mapatay ang mga Regional Trial Court judge na sina Wilfredo Nieves sa Malolos City, Bulacan, noong Nob. 11 at Jude Erwin Alaba sa Baler, Aurora, noong Set. 1; at si Ibnohajar Puntukan, isang Sharia court judge sa Jolo, Sulu, noong Marso 4.
– end –
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.