PNoy: Income tax cut pampapogi lang
TAHASANG sinabi ni Pangulong Aquino na pampapogi lamang ang isinusulong na panukalang batas na babaan ang binabayarang buwis ng mga manggagawa.
“Sa totoo lang, pulitiko rin naman ako e. Ang dali dali magpapogi na hindi ba? Eleksyon, ‘bawasan natin ang buwis niyo!’ At sa totoo lang naman walong buwan na lang ako hindi ko na sasagutin ‘yan kung saka-sakaling may problema. Pero ‘yung kunsyensya ko paano? Iyong ang daming sakit ng ulo, problema at mga walang kalutasan, iyong iba sino-solve pa namin hanggang itong araw na ito e. Iniwan sa akin. Nangako ako na hindi ko ipapasa doon sa susunod,” sabi ni Aquino sa isang panayam sa Kuala Lumpur, Malaysia matapos namang dumalo sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN).
Idinagdag ni Aquino na magdudulot lamang sa panibagong buwis sakaling ipasa ang panukala kaugnay ng income tax cut.
“Ayokong sabihin ‘sige babawasan ko ang buwis niyo’ tapos baka naman ‘yung sumunod… Tapos ‘di ba ‘yung susunod sa akin magsabi: ‘wala tayong magagawa kailangan kong taasan ang buwis niyo.’ Mumurahin naman ako ‘non. O baka naman maalala pa ng taumbayan na ako ang magmungkahi na bawasan na alam ko namang dadagdagan. Ayoko naman masabi ‘yon. So, ayaw mong pinaasa tapos wala,” dagdag ni Aquino.
Ito’y sa harap naman ng pagsusulong ng mga kaalyado ni Aquino sa Kamara at Senado na maipasa ang panukalang batas. Kabilang sa mga may-akda ng panukalang batas na naglalayong babaan ang buwis na sinisingil sa mga pribadong empleyado at mga kawani ng gobyerno ay si Marikina Rep. Miro Quimbo, chairman of the House ways and means committee.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.