IBINASURA ng Senate Electoral Tribunal ang disqualification case na inihain laban kay Senador Grace Poe.
Limang senador ang bumoto para i-dismiss ang kaso laban kay Poe — sina Loren Legarda, Vicente “Tito” Sotto, Cynthia Villar, Pia Cayetano at Bam Aquino.
Bukod tanging si Senador Nancy Binay ang humanay sa mga mahistrado ng Korte Suprema na miyembro ng SET ang pumabor sa disqualification case na inihain laban kay Poe ng talunang 2013 se-natorial candidate Rizalito David.
Mabilis ang ginawang pagtanggi ni Binay na walang kinalaman ang pulitika sa desisyon niya na dapat i-diskwalipika si Poe sa pagiging senador. Base anya lang sa legalidad at mga dokumentong iprinisinta sa tribuna ang nag-udyok sa kanya para paboran si David.
Kahit saang anggulo man tingnan, mahirap paniwalaan ang sinabi ni Binay na walang bahid ng pulitika ang ginawa niyang desi-syong hindi pagpabor kay Poe.
Si Poe ang nangungunang presidential candidate, base na rin sa mga nakalipas na survey, at masasabing pangunahing tinik sa lalamunan ng ama ni Senador Binay na si Vice President Jejomar Binay na nangangarap na maka-pwesto sa pagkapangulo sa dara-ting na 2016 eleksyon.
Iba ang nakikita namin sa ginawa ni Binay. Hindi pa usapin ng legalidad kundi moralidad.
Nakatatawang isipin na ang katulad ni Binay, bakit hindi si Cayetano na isang abogado, ang siya pang nakaisip ng isyu ng legalidad para maging basehan para idiskwalipika si Poe sa pagi-ging senador?
Hindi sa minamaliit natin si Binay. Pero, mahirap talagang maarok na legalidad nga ang tunay niyang idinadahilan kung bakit niya nais madiskwalipika si Poe.
Sabagay, “blood is thicker than water”, at talagang hindi ito maitatanggi ni Binay, kahit ilang beses pa niyang ipilit na walang kaugnayan sa pulitika ang kanyang desisyon.
Kung talagang nais niyang mapabilib ang publiko na walang bahid-pulitika ang kanyang desi-syon, hindi ba’t mas katanggap-tanggap kung nag-inhibit na lamang siya? Sa pamamagitan nito ay mapatutunayan niya sa lahat na hindi siya nadidiktahan ng kanyang ama at talagang walang bahid ng pulitika ang hakbang na kanyang ginawa dahil walang makikinabang rito – si Poe o ang ama man niya.
Habang mapait sa panlasa ang ginawang pagpabor ni Binay sa pagdiskwalipika sa kasamahan niya sa Senado, ibang imahe naman ang ipinamalas ng pinsan ni Pangulong Aquino na si Senador Bam.
Kung ihahambing si Senador Binay kay Senador Aquino, mas masasabi sigurong ang aksyon ng huli ang walang pagkukunwari.
Pumanig si Aquino kay Poe, kahit pa kalaban ito ng presidential bet ng partidong kanyang pinaglilingkuran at naturingan pa mang spokesman ng vice presidential bet na una na ring humusga sa senador na “tumalikod” sa bayan.
Konsensiya lang ang pinairal ni Sen. Aquino; at ang boto anya niya ay hindi para sa kasamahang si Poe kundi sa mga gaya nitong “foundling” o pulot.
Paliwanag ng senador ang gaya ni Poe na “foundling” ay dapat i-presume na natural born citizen, dahil kung gagawin silang naturalized ay merong mga karapatan at pribilehiyo na maaring hindi na nila magamit, gaya ng panunungkulan sa bayan.
Kung meron sigurong dapat ikatuwa ang publiko sa naging desisyon ng SET ay ang pagsentro nito sa kapakanan ng mga “foundling” o silang mga “pulot”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.