HUMAKOT pa ng tatlong gintong medalya si Michael Ichiro Kong ng Cebu City para tapusin ang kampanya sa swimming competition ng 2015 Philippine National Games Visayas Qualifying leg na may kabuuang 11 ginto sa 11 event na nilahukan sa Evelio B. Javier Memorial Sports Complex sa San Jose, Antique.
Nagkampeon ang 16-anyos na si Kong sa boys’ 16-and-over 100m butterfly (1:04.95), 200m individual medley (2:43.80) at 50m freestyle (27.29) para maging kauna-unahang 11-gold medalist sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) at suportado ng Philippine Olympic Committee (POC) at ni Antique Governor Rhodora J. Cadiao.
“Nakaka-stress talaga po kasi walang training. Ang mga time ko ay malayo sa personal best ko at training time lang talaga,” wika ni Kong na hindi na kasing-aktibo sa pagsali sa mga kompetisyon ngayon dahil pinagtutuunan ang pag-aaral sa University of Cebu sa kursong Information Technology.
Ang 11 ginto ni Kong ang lumunod sa siyam na ginto na napanalunan ni Christian Paul Anor sa Mindanao Qualifying sa Pagadian City noong Setyembre.
“Try ko po na i-break ang mga personal best ko sa National Finals next year. Mahirap pero time management lang ito para makapagsanay ako at makapag-aral,” dagdag ni Kong.
Pitong ginto sa huling 11 events ang napunta pa sa Cebu City para makalikom ng kabuuang 27 ginto sa 36 events na pinaglabanan sa tatlong araw na kompetisyon.
Humahataw din ang delegasyon mula Queen City of the South sa athletics nang kumubra na ng anim na ginto.
Umani naman ng atensyon ang host Antique nang kumulekta ng dalawang ginto si Mike John Faulan.
Ang 21-anyos, first year Criminology student sa St. Anthony’s College na si Faulan ay nanguna sa men’s 400m (51.8) at 800m (2:04.8).
“Sumali po ako sa National PRISAA at nakasama sa 4x400m na nanalo ng silver. Ngayon lang ako sa PNG at nakuha ko po ang dalawang ginto dahil sa pagsasanay ko sa loob ng dalawang buwan,” wika ni Faulan na nangangarap na makalaro rin sa Southeast Asian Games.
Mabubuksan ang pintuan sa kanyang pangarap kung manalo siya ng ginto sa National Finals.
Ang ikatlong ginto ng Antique ay ibinigay ni Raffy Tiad nang naihagis ang javelin sa 48.72m sa ikaanim at huling attempt para talunin si Bernard Gaviola ng Maasin, Leyte na may 43.61m marka.
Sumandal ang Cebu City sa galing nina Daniel Noval sa men’s 100m (10.7), John Daryl Manos sa men’s 3000m steeplechase (10:18.6), Angel Mark Sicad sa boys’ discus throw (34.37m), Benjamin Reynes sa boys’ 100m (11.1), Prince Joey Lee sa boys’ 5000m (16:21) at Riza Bausin sa girls’ 800m (2:27.50).
Samantala, naihanay sina Benjie Payay ng Hungduan, Ifugao at Pilar Elopre ng Mampang, Zamboanga City sa mga triple gold medalists sa weightlifting na ginagawa sa EBJ Freedom Park.
Ang 17-anyos agricultural student sa Ifugao State University na si Payay ay nagkampeon sa Open, College at Youth sa men’s 62kg division nang nakapagtala ng 90kg sa snatch, 122kg sa clean and jerk para sa 212kg total.
Ang 17-anyos din si Elopre ay nagdomina sa women’s 58kg division sa Open, College at Youth sa binuhat na 52kg sa snatch, 63kg sa clean and jerk tungo sa 115kg. total.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.