WALA si Pangulong Aquino sa paggunita ng ikalawang anibersaryo ng pananalasa ng super-typhoon Yolanda nitong nakaraang Linggo. Ni anino niya ay hindi makita sa anumang lugar sa Kabisayaan na malubhang tinamaan ng bagyo na kumitil ng libo-libong buhay.
Pinalalabas pa nang una na kesyo wala naman daw kasing imbitasyon na ipinarating sa Palasyo para sa pangulo para siya dumalo sa mga gawain o seremonya na inihanda.
Pero makalipas ang ilang araw ay kumalat ang tunay na dahilan kung bakit hindi nakiisa o sumilip man lamang si Ginoong Aquino sa paggunita ng trahedyang dinanas ng ating mga kababayan sa Eastern Visayas.
Una ay ayaw pang umamin ng mga “bata” ng Malacanang na nakisaya pala itong si G. Aquino sa kasal ng anak ng bil-yonaryong si Andrew Tan.
At hindi na rin naitago at umamin na rin ang mga kaalyado ng Palasyo na kasal nga ang pinagkaabalahan ni G. Aquino ng araw na milyon-milyong Pilipino ang nakiisa sa paggunita sa malagim na sinapit ng mga kababayan sa Kabisayaan.
Dumipensa naman kaagad ang mga kaalyado ng pangulo, sa pangunguna ni Speaker Feliciano Belmonte. Ang pakikiramay raw ay hindi lang sa pagpapakitang-tao kundi sa puso.
Mahirap paniwalaan ang sinasabing ito ni Belmonte, lalo pa’t makailang beses nang nagpakita nang kawalang-malasakit ang pangulo ng bansa sa kanyang mga kababayan.
Ilang bagyo ba ang tumama sa iba’t ibang bahagi ng bansa, pero hindi naramdaman ang pagkalinga ng pangulo. Bumisita man ito sa mga nasalanta ay “tapos” na ang lahat. Nasaan doon ang pagmamalasakit?
Lalayo pa ba tayo? Nasaan ba siya nang iuwi ang bangkay ng 44 miyembro ng Special Action Force matapos silang mamasaker sa Mamasapano, Maguindanao? Hindi ba’t inuna niya ang pagdalo sa isang gawain ng car company sa Laguna? Nasaan doon ang pagmamalasakit.
Dapat maunawaan ni Belmonte at ng ipinagtatanggol niyang presidente na ang pagmamalasakit ay hindi lang basta sinasabi na nasa kanyang puso ito, kundi ginagawa. Sabi nga, hindi ba, “action speaks louder than words”?
Kaya nga kahit pang anong sabihin ni Belmonte na may pagmamalasakit ang pangulo sa kanyang mga kababayan, kabaligtaran ang nakikita nila rito. Ang tanging nakikita nila ay ang pagiging manhid nito at pagiging pusong-bato.
Hindi makita ng mamamayan ang pagmamalasakit ni G. Aquino. Ang tangi nilang nakikita ay mas higit na pinahahalagahan nito ay ang mga mayayaman at mga nakaaangat sa buhay, na silang kanyang tunay na mga boss.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.