Angelica sa kasal nila ni John Lloyd: Doon naman talaga papunta, pero…!
NAG-CELEBRATE ng kanyang 29th birthday si Angelica Panganiban kamakailan at isa sa mga bumati siyempre sa kanya ay ang kanyang boyfriend na si John Lloyd Cruz.
Pinatunayan ng dalawa na going strong pa rin ang relasyon nila base na rin sa mga litratong ipino-post nila sa Instagram na kuha sa kanilang bonding moments.
Sa presscon ng gag show ng ABS-CBN na Banana Sundae na mapapanood na simula sa Nov. 15, Linggo, ang papalit sa mawawalang Banana Split tuwing Sabado, natanong si Angelica kung handa na rin siyang magpakasal kay Lloydie ngayong 29 na siya.
Ayon kay Madam Claudia, ang kontrabida role ni Angel sa seryeng Pangako Sa ‘Yo, naniniwala siya na kung darating ang araw na ikakasal siya kay John Lloyd, ay hindi niya ‘yun makokontrol.
“Well doon naman talaga pupunta ang lahat. Kung ‘yun ang nakatadhana sa akin. I think mangyayari na lang siya, kung sa tingin ko o ng tadhana na ready na ako eh siguro ganoon,” paliwanag ni Angelica na malaki na ang ipinayat ngayon.
Napag-uusapan na ba nila ng seryoso ni Lloydie ang kasal? “Actually, hindi talaga. Wala. Kasi alam mo ‘yung may assurance naman na solid kami sa ngayon parang ang saya pa ng takbo ng career, ang dami ko pang…akala ko hindi ko magagawa.
“Pwede pa pala akong maging nanay ng isang 19-year old di ba? (anak niya si Daniel Padilla sa Pangako Sa ‘Yo). Parang ano eh nakakabigla ‘yung nangyayari nowadays so parang ang hirap ma-predict.
“So ngayon binibigay ko talaga ‘yung hundred percent ko sa trabaho ko. Ganoon din naman siya. Sayang ‘yung opportunity kung palalagpasin natin and I’m sure may mga bagay na makakapaghintay pero ‘yung chance na makakapag-portray ka ng role siyempre hinihingi na single ka so parang okay pa naman, wala namang pagmamadaling nangyayari,” paliwanag ng aktres.
Hanggang ngayon ba ayaw pa rin niyang makasama sa anumang proyekto ang kanyang boyfriend? “Napag-uusapan namin ‘yan. Siguro kung comedy. Kasi ‘yung team ng Home Sweetie Home (ang sitcom ni John Lloyd sa Dos) same ng Banana Split so tinatanong nila kung gusto nilang mag-guest (ako) parang di ko pa kaya pero nitong lately parang hindi ko alam pero parang kino-consider ko na siya pero parang sablay talaga, hindi ako makakagalaw.”
At dahil pareho silang busy ni Lloydie nu’ng nakaraang birthday niya, ano’ng balak nilang gawin bilang post-celebration? “Well, bale sa Sabado pag maaga matapos ang trabaho namin baka makakain kami sa labas, ganyan or baka magluto-luto na lang. ‘Yun naman hilig namin.”
At kung may isang birthday wish si Angelica, yan ay magpatuloy ang tagumpay ng gag show nilang Banana Sundae ngayong lilipat na nga sila ng araw at timeslot. Hindi pa sigurado kung ano ang makakatapat nito sa mga programa ng GMA 7 pero every Sunday pero umaasa si Angelica at ang iba pang cast ng show na tututukan pa rin ito ng kanilang mga tagasuporta.
Makakasama pa rin dito ang original members ng cast na sina John Prats, Ryan Bang, JC de Vera, Pooh, Jobert Austria, Sunshine Garcia, Aiko Climaco at Badji Mortiz. Nagbabalik din si Pokwang at idadagdag pa si Jessy Mendiola. Kaya abangan ang unang pasabog ng Banana Sundae sa Nov. 15.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.