Tulong ng AlDub nation hiniling para pakiusapan si PNoy na ibaba ang income tax
HUMINGI na ng tulong sa AlDub nation ang Tax Management Association of the Philippines Inc., upang pakiusapan si Pangulong Aquino na payagan na maibaba ang income tax. buwis na ipinapataw sa kita ng mga empleyado. Humarap si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at TMAP sa isang press conference sa Kamara kung saan nila hiniling sa AlDub nation na suportahan ang kanilang panawagan. “Actually mahirap maabot ang Aldub phenomenon kasi milyon-milyon talaga yun tweets nun no…but it would be best if they (Aldub nation) can help the tax reform advocacy that we have,” ani Tina Manuel ng TMAP. Naglungsad na ang TMAP ng on-line petition upang kunin ang suporta ng netizens sa panawagan na ibaba ang buwis sa bansa, na isa sa pinakamataas sa Asya. “It would be helpful if other organization and other group (tulad ng Aldub nation) can help so that we can show to the President and to Congress that we are all for tax reform,” dagdag pa ni Manuel. Sinabi naman ni Colmenares na apektado rin ang mga miyembro ng AlDub nation dahil kasama sila sa nagbabayad ng mataas na buwis. Nauna nang tinutulan ni Aquino ang pagpasa ng batas na magbabawas ng buwis dahil maaapektuhan umano nito ang kailangang pondo ng gobyerno para sa mga proyekto nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.