DA who ang isang opisyal na hindi pa umiinit sa upuan ay heto’t maangas na at ipinagyayabang na dahil sa kanyang liderato, umayos na ang operasyon ng isang kontrobersiyal din na mass transport system sa bansa?
Naitalaga ang opisyal dahil sa kanyang koneksyon sa isang miyembro ng Gabinete ni PNoy.
Magkaklase ang dalawang opisyal sa premyadong high school sa bansa at dahil nga alam ni PNoy na matatalino talaga ang nag-aral sa naturang high school na pinapatakbo ng isa pang ahensiya ng gobyerno, agad-agad siyang itinalaga kapalit ng kontrobersiyal din na dating opisyal na nadawit sa umano’y tangkang pangingikil sa isang banyagang kumpanya.
Ang siste, nagpatawag ng pagpupulong ang maangas na opisyal at dito na nalaman na may pagkapangit pala ang ugali ng opisyal na ito.
Sa ipinatawag niyang meeting, walang ginawa ang opisyal kundi ipagyabang na maganda na ang serbisyo ng kanyang pinamumunuang mass transport system.
Nakasakay ka na ba talaga Sir ng naturang mass transport system para ipagyabang mong gumanda na nga ang serbisyo nito?
Bukod sa hindi pa rin umaandar ang mga escalator, napakahaba lagi ng pila at sobrang maaangas din ang mga guwardiya rito, kala mo sila ang nagmamay-ari nito.
At nang nakikipagpulong, hindi nahihiya ang opisyal habang kumakain sa harap ng kanyang inimbitahan na ka-meeting, hindi man lang naisip na mag-alok ang opisyal.
Tinawag nga ang opisyal na “Boytsi” o “Boy Tsibog” ng kanyang mga kausap dahil sa kanyang hilig sa pagkain.
Feeling close agad ang opisyal sa kanyang asta sa kanyang mga inimbitahang mga kausap.
Kapag nasa harap ng kamera, animo’y napakabait ng opisyal na ito pero kapag pala nakaharap ay meron nang attitude ito.
Nanggaling sa pribadong sektor ang opisyal bago ito maitalaga sa gobyerno nitong taon lamang.
Wala pa ngang napapatunayan at hetot sobrang yabang na ang opisyal na ito.
Sino ang tinutukoy ko? Clue ang boss niya ay isa ring kontrobersiyal kung saan wala itong ginagawang aksyon sa umano’y modus ng kanyang mga tauhan.
Hindi lang kasi binansagang “worst” ang kanyang nasasakupan kundi naging kontrobersiyal pa matapos ang ginagawang pambibiktima sa mga pasahero.
Gusto pa ninyo ng clue? Araw-araw na halos may aberya sa nasasakupan nito. Swerte na siguro kung sa isang araw ay walang reklamong maririnig ang mga pasahero rito.
Kilala na n’yo tiyak ang tinutukoy ko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.