ITINATAG ng Diyos para sa kabutihan ng tao ang gobyerno (Rom 13:1-7). Ngunit, madalas batikusin ng Panginoon ang namamahala sa gobyerno dahil ginagamit nila ang kapangyarihan para sa pansariling kapakanan at interes. Anumang batas ay maaaring gamitin sa ma-ling pamamaraan. Imbes na makatulong, nagiging balakid pa ito sa paggawa ng kabutihan. Ngunit minsan ay dapat suwayin ang batas kung hindi namumunga ng kabutihan at nagiging kasangkapan lamang ng kasamaan (pagninilay sa ika-30 linggo sa karaniwang panahon, Slm 68:2 at 4, 6-ab, 20, 21; Rom 8:12-17; Lc 13:10-17).
Kung ang maraming pulis na nakatalaga sa isang sekta ay hindi na inuutusan ng PNP chief kundi’y sumusunod na sa sekta, dapat sibakin na agad ang mga ito. Hindi kasalanan ni Director General Ricardo Marquez kung ganito na ang kanyang dinatnan, pero bilang opisyal sa Daang Matuwid, kailangang tapusin na niya ang baluktot sa kalakaran. Madaling sisihin si Marcos, pero hindi malulutas ang suliranin sa pamamagitan ng paninisi.
Patuloy na sinisisi sina Gloria Arroyo (magpunta ka sa Lubao), Juan Ponce Enrile (magpunta ka sa Cagayan), Jinggoy Estrada (magpunta ka sa San Juan) at Bong Revilla (magpunta ka sa Bacoor). Pero mas lalong lumaganap, lumaki at garapalan na ang katiwalian sa Daang Matuwid, na ipagpapatuloy pa ni Mar Roxas. Teka, dapat ngang ipagpatuloy ang Daang Matuwid para tuluy-tuloy ang pagnanakaw sa taumbayan. Alamin ang huling balita sa DOTC!
Di pa panahon ng kampanya ay may kampanya na para sa eleksyon. Parang trumpong nagsisiikot na ang mga kandidato. Kasalanan iyan ng Supreme Court (itong si Kardong Gahasa, ang tawag niya sa Korte Suprema ay Sipsipreme Court). Noong Nob. 2009, sinabi ng Supreme Court na hindi krimen ang electioneering (Penera vs SC). At mas malakas ang ikot ng trumpong Liberal Party.
Hindi nakapalag si Grace Llamanzares nang akusahan siya ni Mar Roxas na “leanest” sa nagawa sa Pilipinas Kong Mahal. Konti, kundi man kokonti, ang kanyang nagawa sa bansa. Mas lalong wala naman siyang nagawa sa mahihirap sa North Caloocan. Pero, kung “leanest” siya sa mahihirap, ano ang pagsasalarawan kay FPJ? “Nothingest.” Ayon sa isang CPA, walang “audit of performance” si FPJ nang tumakbong pangulo. At si Grace ay “Dugong FPJ.”
Ang nahuling snatcher sa La Paz, Makati (na nanghablot sa Maynila) ay kailangang ilantad ng pulisya. Kailangan ding kilalanin ito ng mga biktima sa kalye Mola, Pasong Tirad, Pasong Tamo, J.P. Rizal, Mascardo. Sa palengke ng Pasong Tirad ang takbuhan ng mga snatcher, naka-bisikleta man o motor, na bumiktima na sa mga kawani ng Inquirer Publications at PDI. Hindi malaking sindikato ito pero napakarami na ang kanilang biktima, editor man o kawani.
Sa North Caloocan, ang dalawang palasyo ng shabu ay ang Balwarte (nasa Phase 8B, Bagong Silang at nasa tapat lamang ng Rene Cayetano Elementary School) at Tala. Wala ito sa “mapa” ng PDEA at Crame, at di na ako nagtaka. Di rin ako nagtataka na hanggang ngayon, ang sentro ng kanawan ng shabu ay ang Bilibid sa Munti. Bakit ako magtataka? Protektado ng gobyerno ang gawaan ng shabu!
Bilang tungkulin ng mga buhay na Katoliko, at base sa walang kapagurang pagkalinga ni Santa Maria, alayan din natin ng dasal ang mga namayapang taga-Bandera: Danny Florida, Manny Pichel, Banong (Romano Cruz), Gil Villasana (Mama Gil), Joe Capadocia (Joecap), Juanito Acacio (Mang Johnny), Dennis Sabangan, Pedro Juanitas, Pompeyo Navarro (Pomps), Marie Surbano, Paul Bernaldez (Poldo), Rodrigo Manahan (Casper o Cas o Per), Nestor Pangilinan, Peachy Fazon, Olive Pozon, Dinno Erece.
Mabuti naman at hindi na pinapara sa checkpoint ang mga senior citizen na nagmamaneho ng motor. Kung parahin man ay pinaaalis na sila agad kapag inalis nila ang hood at tumambad ang uban sa ulo, nguso, kakambing at balbas. Meron bang riding-in-tandem na seniors?
MULA sa bayan (0916-5401958) : Salamat sa referral. Mas mabilis umaksyon ang PCSO ngayon, lalo na sa aming wala nang pinagkakakitaan. …1877
Pls tell AFP there is brewing conflict in Maco. We need soldiers not beholden to a politician. …5112
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.