Marami pa rin ang hindi bilib sa pagpakumbaba ni Vice Ganda
HINDI tama ang panahon. ‘Yun ang pangontra ng marami sa ginawang pagtanggap ni Vice Ganda na hindi nila kayang talunin ang mahigit na tatlong dekada nang nagbibigay ng kaligayahan sa ating mga kababayan na Eat Bulaga.
Sa halip na maintindihan ang kanyang pagpapakumbaba ay mas umigting pa ang pamba-bash sa kanya, ipinaalala ng ating mga kababayan kay Vice ang matindi niyang kaangasan nu’ng namamayagpag pa ang kanyang career.
‘Yun lang ang mahirap kapag nagtataas na ng kamay sa pagsuko ang isang nakikipaglaban. Bago niya makuha ang pagsang-ayon ng publiko ay babalikan pa muna ang kanyang pinaggagawa nu’n, ipamumukha muna sa kanya ang pagmamalabis nu’ng pakiramdam niya’y wala nang katapusan ang lahat, sisingilin muna siya bago suklian.
Nu’ng mga panahon ka-sing maingay na maingay ang pangalan ni Vice Ganda ay nakalimot din naman siya. Marami siyang inalipusta nu’n, naging maanghang ang kanyang dila, kaya ngayong nagbababa na siya ng bandila bilang pagsuko ay isinusumbat sa kanya ang mga kanegahang ginawa niya nu’n.
Tayong mga Pinoy ay marunong magpatawad. Napakabilis nga nating magpatawad at makalimot kung tutuusin. Pero tayo ang lahi na marunong magpatawad pero naaalala at minamarkahan natin ang itsura at pangalan ng mga taong nagmalabis.
‘Yun ang Pinoy. Ganu’n ang Pinoy. Matalino naman si Vice Ganda para hindi maintindihan ang katotohanang ‘yun.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.