Roxas kay Duterte: Mata sa mata, wala akong kinalaman sa black propaganda sa ‘yo
TODO-tanggi ang standard bearer ng administrasyon na si Mar Roxas sa pagpapakalat na mayroong kanser si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kaya nagdadalawang-isip itong tumakbo sa pampanguluhan sa 2016 elections. “Nalulungkot ako na inaakala ng aking kaibigan na si Mayor Digong Duterte na may kinalaman ako o ang kampo ko sa kung anomang mga paninira na itinutukoy niya,” ani Roxas na kahapon ay nag-repack ng relief goods sa Balay Expo sa Cubao, Quezon City. Sinabi ni Roxas na hindi niya magagawa na siraan si Duterte na matagal na umano niyang kaibigan. Alam umano niya ang epekto ng kanser sa isang pamilya dahil sa sakit na ito namatay ang kanyang ama at kapatid. “Kay Mayor Digong ay masasabi ko sayo, harap-harapan, mata sa mata na wala akong kinalaman. Hindi ako nasa likod at hinding hindi ko iniutos or kinukonsinte itong gawaing ito.” Itinanggi rin ni Roxas na wala siyang koneksyon sa dating dyarista na si Philip Lustre na siyang tinukoy ni Duterte na pinanggalingan ng balitang may kanser si Duterte. “Kilala ko ang pangalan niyan bilang isang reporter pero wala ho kaming kinalaman at wala ho kaming relasyon sa natuturing na tao na yan.” Nagkausap na umano ni Roxas at Duterte kaugnay ng isyu. “Naipaabot ko sa kanya at I think that may tiwala ko na matibay ang aming pagkakaibigan, may tiwala ako na si Mayor Digong ay isang tao na tumitingin sa katwiran, sa kung ano ang tama at makikita niya na kung anoman itong mga ibinubulong sa kanya or pang-iintriga na dumadating sa kanya, makikita niya na wala kaming kinalaman doon.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.