San Beda Red Lions, Letran Knights mag-aagawan sa top seed
Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. Arellano vs Mapua
4 p.m. San Beda vs Letran
ITATAYA ng Arellano ang pagiging runner-up noong nakaraang taon sa pagbangga sa host Mapua sa 91st NCAA men’s basketball playoff ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na alas-2 ng hapon at ang mananalo ang siyang ookupa sa ikaapat at huling upuan sa Final Four.
Tumapos ang Chiefs, Cardinals at Jose Rizal University sa 12-6 baraha para magkatabla sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto.
Ngunit nakuha ng Heavy Bombers ang pinakamataas na quotient para kunin na ang ikatlong upuan sa Final Four.
Karanasan na nakuha sa paglalaro sa Finals noong nakaraang taon ang dapat na maipakita ng mga beterano tulad nina Jiovani Jalalon, Dioncee Holts at Zach Nicholls para magpatuloy ang laban sa titulo.
Sa kabilang banda, ang magandang pagtutulungan ng mga beterano at bagito ang nais na ipamalas uli ng Cardinals para madugtungan ang magandang laro sa ikatlong taon sa bench ni Fortunato Co.
Si 6-foot-9 Allwell Oraeme ang huhugutan ng lakas sa ilalim habang ang puntos sa labas ay inaasahang makukuha sa mga beterano sa pangunguna ng PBA-bound na si Josan Nimes.
Ang mananalo rito ay sasalang naman sa isang playoff sa Heavy Bombers para malaman kung sino ang malalagay sa ikatlo at ikaapat na puwesto.
Ang tampok na laro dakong alas-4 ng hapon ay sa hanay ng five-time defending champion San Beda laban sa Letran.
Parehong nakatiyak na ng twice-to-beat advantage ang dalawang koponan nang tinapos ang 18-game elimination round bitbit ang magkatulad na 13-5 karta.
Pero kailangang sumailalim pa ang dalawang koponan sa playoff para sa number one seeding na siyang katapat ng tatanghaling number four sa Final Four.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.