Binay, Honasan di nagpatinag, naunang nag-file ng COC
NAGHAIN na ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang magka-tandem na sina Vice President Jejomar Binay at Sen. Gregorio “Gringo” Honasa sa kabila na kapwa nahaharap sa kaso sa Office of the Ombudsman. Sinabi ni Honasan na nananalig pa rin siya sa proseso ng batas kasabay ng pagsasabing nakahanda siyang harapin ang mga alegasyon sa tamang oras. “The Ombudsman will determine that. Up to this point, I trust with the fairness in the judicial system until proven otherwise,” sabi ni Honasan sa panayam matapos ang misa sa San Agustin Church, Intramuros. Iginiit naman ni Binay na may bahid na politikal ang plunder at graft na inihain laban sa kanya kaugnay ng umano’y overpricing at mga kuwestiyonableng mga proyekto sa Makati. Idinagdag ni Binay na bagamat hindi si Honasan ang kanyang unang opsyon, pinili naman siya ng United Nationalist Alliance (UNA) bilang kanyang running mate. Si Honasan ang vice president ng UNA. “Dalawampu’t limang taon ako naglingkod sa pamahalaan at ang isang tinuunan ko ay ang iangat sa kahirapan ang buhay ng bawat Pilipino,” dagdag ni Binay. Si Sen. Ferdinand “Bongbong Marcos, Jr. ang unang opsyon ni Binay. “UNA na, BinGo pa!” sabi ni Binay. Magkasamang lumabas sina Binay at Honasan matapos ang isang misa sa San Agustin Church para maghain ng kanilang COC. – May dagdag na ulat ni John Roson
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.