Kaya ayaw nang tumanggap ng mga manliligaw
SA pagdiriwang ni Rachelle Ann Go ng ikawalong anibersaryo niya sa showbiz ay gusto niyang handugan ang supporters niya ng show na siya mismo ang nag-produce na may titulong “R.A.G.” (Rise Against Gravity) na gaganapin sa Music Museum sa Okt. 26, Biyernes.
Kuwento mismo ni Rachelle, mahirap palang maging producer at ngayon niya naiintindihan ang mga nagpoprodyus ng shows lalo na kung wala pang makuhang sponsors.
“Ako po kasi lahat ang umaayos, mula sa repertoire, sa mga guest, ako po mismo ang kumakausap, tapos sa sequence guide, ako rin po, ‘yung title lang po ang hindi ko naisip kaya abut-abot ang pasasalamat ko kay direk Rico Gutierrez kasi siya ang nakaisip at siya rin ang direktor ko sa show,” kuwento ng dalaga.
“Matapos ko lang po siguro lahat ito, okay na, makakahinga na ako ng maluwag,” sabi ng dalaga na namamaos na dahil hindi raw siya nakakatulog at nakakakain ng maayos sa kaiisip sa show nila.
“Ayaw kong ma-stress kaya itong show ko, hindi ko naman goal na kumita, I just want to share my music to everyone,” anang dalaga.“Ma-share ko po sa tao ang pinaghirapan ko dito sa industry and after nitong concert, gusto ko namang gumawa ng album na ako po mismo ang nagsulat ng mga kanta.
Gusto kong i-share rin sa tao kung ano ‘yung mga nararamdaman ko,” dagdag pa nito.
May mga hinanakit ba siya sa buhay dahil parang ang lalim ng pinaghuhugutan niya?
“Ha-hahaha! Meron na rin akong nasulat, gusto ng mga Pinoy ang ganyan, eh, me heartaches, me happy songs, me inspirational.
Hindi lang din naman puro sa akin ang mga nasusulat kong kanta, meron din para sa mga kaibigan ko lalo na pag nagkukuwento sila sa akin,” natawang sagot ni Rachelle.
Pawang labor of love raw ang special guests niya sa show tulad nina Regine Velasquez, Sarah Geronimo at ang ex-boyfriend niyang si Christian Bautista.
“Ako mismo ang tumatawag sa kanila, like si ate Reggs, talagang sobrang idol ko siya, na-starstruck nga po ako, hindi ako makapagsalita kapag nakikita ko siya sa Party Pilipinas.
“Si Sarah talagang close friend ko ‘yun, during the Star for A Night pa, alam ko lahat ng pinagdaanan niya at ako rin.
We know each other’s secret,” pambubuking ng dalaga.
Pero masuwerte si Sarah sa pagkakaroon ng kaibigan tulad ni Rachelle Ann dahil maski na anong kulit namin kung ano ang maibibigay niyang payo pagdating sa lovelife at iba pang isyu ay hindi siya nagsalita, “Sa amin na lang po yon.”
At ang ex-boyfriend niyang si Christian ay, “Isang tawag ko lang po, pumayag siya, wala po kaming problema ni Christian, eversince naman okay kami at we support each other talaga.”
Hmmm, bakit wala ang isa pang ex-boyfriend niyang si Gab Valenciano sa show? “Ahh, hindi pa po kasi kami nakakapag-usap,” tipid na sabi sa amin.
Hindi sila nakakapag-usap pa? O hindi pa sila in speaking terms? “Actually, hindi po kami speaking terms, hindi pa kasi kami nagkikita.”
At dito ka maloloka bossing Ervin, ayaw ni Rachelle ng may nagpaparamdam sa kanya ngayon o nagte-text dahil ayaw muna niyang magkaroon ng manliligaw.
“Ayoko po kasi ng istorbo or ayoko ng may nagte-text sa akin, kasi hindi ko sasagutin.
Gusto kong mag-focus muna sa career ko,” diretsong sabi ng singer.
Kaya sa mga nagpaparamdam o nagpapa-cute kay Rachelle Ann, tumigil na muna kayo dahil mas lalo raw siyang naiinis, try n’yo raw next year baka iba na ang mood niya.
Ang dahilan niya kung bakit hindi niya ine-entertain ang mga suitors niya, “Kasi di ba, pag naging nice ka, iba ang interpretation? Kaya ayoko ng may ine-entertain.”
Samantala, mabibili ang tickets ng “Rise Against Gravity” sa Music Museum (721-0635) at Ticketworld.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.