Sinong ilalaglag? Malalaman sa Lunes | Bandera

Sinong ilalaglag? Malalaman sa Lunes

Leifbilly Begas - October 07, 2015 - 03:00 AM

SA darating na linggo ay magiging pinal na ang listahan ng mga tatakbo sa 2016 elections.
Noong Lunes ay nagkatotoo na ang prediksyon ng marami na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ang magiging running mate ng kandidato ng administra-syon na si Mar Roxas.
Pero hindi pa buo o kumpleto ang 12 senatorial candidates na makatutulong ng susunod na pangulo para mapatakbo ang kanyang gobyerno.
Ayon sa LP, sa Biyernes ay ilalabas nila ang kumpletong listahan.
Sa Lunes naman ay simula na ng paghahain ng certificate of candidacy na magtatapos sa Biyernes nang nasabi ring linggo.
Ang tanong, makakukumpleto rin kaya ng ibang grupo na makaka-laban ng LP ang kanilang listahan?
Hindi maikakaila na maganda tingnan kung buo ang team at siyempre makakatulong ang mga kasali sa grupo sa paghakot ng boto, lalo na at kalimitan sa mga kandidato sa pagkasenador ay mayroong mga sariling balwarte.
Pasok na sa listahan ng LP ang mga reelectionist na sina Sen. Ralph Recto, TG Guingona at Franklin Drilon at dating Sen. Kiko Pangilinan.
Nakapila naman ang mga pangalan nina Justice Sec. Leila de Lima, Energy Sec. Jerico Petilla, TESDA director general Joel Villanueva, at MMDA chairman Francis Tolentino, na nanganganib naman malaglag matapos na putaktihin ng batikos dahil sa “tuwad na daan” scandal.
Nababanggit din ang pangalan ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na nasa huling termino na.
Lumutang din ang pangalan nina dating Sen. Dick Gordon, PhilHealth director Risa Hontiveros, at da-ting Sen. Jamby Madrigal. Ang iba pa ay malamang mapunta sa ibang bakuran.
***
Ang tunay na iwanan ay malalaman kapag malapit na ang halalan.
Kaya naman merong mga kandidato sa lokal na hindi pa tumataya hanggang sa ngayon. Gusto nilang makasiguro na ang sasamahan ay ang malakas na kandidato na malamang ay manalo sa eleksyon.
Kung magkakamali kasi sila ay baka sila ay balikan at hindi mabiyayaan ng pondo sa susunod na tatlong taon.
Naalala ko noong 1998 elections, o noong panahon na tumakbo sa pagkapangulo si ex-Speaker Jose de Venecia, noong malayo pa ang halalan ay nasa kanya ang marami sa mga pulitiko. Pero matapos makuha ang alok niyang tulong ay nagbaliktaran ang mga ito at lumipat sa kampo ni Joseph Estrada, na naging pangulo.
***
Sinong presidential candidate kaya ang makikinabang sa paghahati-hati ng Bicol vote?
Posibleng lima kasi ang kandidato sa pagkabise-presidente na mula sa Bicol o may kaugnayan sa rehi-yon.
Ang unang nagdeklara na tatakbo na bise presidente ni Sen. Grace Poe, si Sen. Francis Escudero ay mula sa lalawigan ng Sorsogon, kung saan tatlong beses siyang nanalong kongresista.
Sumunod naman si Sen. Alan Peter Cayetano na ang misis na si Taguig Mayor Lani Cayetano ay nag-ugat sa Tiwi, Albay.
Si Sen. Antonio Trillanes ay galing naman sa Albay.
Ang running mate ni Roxas na si Robredo ay galing sa Camarines Sur.
Ang napapabalita namang running mate ni Vice President Jejomar Binay na si Sen. Gringo Honasan ay mula rin sa Sorsogon.
Sinong VP candidate kaya ang makapagdadala ng boto sa kanilang presidential bet? Kung sa kasalukuyang listahan ang pagbabatayan, ang may presidentialcandidate pa lang naman ay sina Escudero at Robredo.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending