Twice-to-beat habol ng Letran Knights, San Beda Red Lions
Mga Laro Ngayon
(The Arena)
12 n.n. Mapua vs St. Benilde
2 p.m. Arellano vs EAC
4 p.m. Letran vs San Beda
Team Standings: *Letran (12-4); *San Beda (12-5); JRU (11-6); Perpetual Help (11-6); Arellano (11-6); Mapua (10-6); xSan Sebastian (6-11); xSt. Benilde (5-12); xLPU (4-14); xEAC (2-14)
* – playoff Final Four
x – eliminated
SISIKAPIN ng five-time defending champion San Beda College na makaiwas sa kumplekasyon sa hangaring twice-to-beat advantage sa semifinals sa paggapi sa nangungunang Letran College sa 91st NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 12-5 karta ang Red Lions at ito na ang kanilang huling asignatura sa elimination kaya’t kailangan nilang manalo sa Knights sa larong mapapanood dakong alas-4 ng hapon.
Ang Knights ay may isa pang laro kaya’t puwede pa nilang makuha ang pinaglalabanang insentibo na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan.
Bago ito ay magpapalakas din ang Mapua Institute of Technology at Arellano University sa kanilang mga tsansa na umabante pa.
Kalaro ng host Cardinals ang College of St. Benilde sa ganap na alas-12 ng tanghali bago sumunod ang Chiefs laban sa Emilio Aguinaldo College dakong alas-2 ng hapon.
Ang Chiefs ay kasalo ng mga pahingang University of Perpetual Help at Jose Rizal University sa 11-6 baraha at ang panalong maitatala ay magtitiyak ng playoff para sa puwesto sa Final Four.
May 10-6 karta naman ang Cardinals at kailangan nilang manalo para hindi malagay ang isang paa sa hukay.
Galing ang Red Lions sa 91-72 pagkakadurog sa Chiefs upang matiyak na pupukpok ang mga inaasahang manlalaro na sina Ola Adeogun, Baser Amer at Arthur dela Cruz.
“This is a must-win game for us because we are playing for our survival,” wika ni San Beda coach Jamike Jarin.
Nanalo naman ang Knights sa Chiefs sa huling laro at tiyak na kakamada uli sina Mark Cruz, Rey Nambatac at Kevin Racal para matiyak na ang mahalagang insentibo sa semifinal round.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.