Yaya Dub, Lola Nidora inimbita ng CBCP para maging guest speaker sa Social Media Summit
IBANG level na talaga ang maglolang sina Lola Nidora (Wally Bayola) at Yaya Dub (Maine Mendoza)! Alam n’yo bang mismong ang mga taga-Catholic Bishop Conference of the Philippines ang nag-imbita sa kanila para magsilbing guest speakers sa gaganaping Catholic Social Media Summit sa Sta. Rosa, Laguna (Oct. 10 at 11).
Sa official website ng CBCP, ang Catholic Social Media Summit ay pagtitipon ng social media communicators, bloggers, photographers at mga manunulat. At napagdesisyunan nga ng organizers ng event na anyayahan sina Wally at Maine para makapagbigay inspirasyon sa mga dadalo rito. Ang magiging tema ng Catholic Social Media Summit ay kung paano mag-spread ng Gospel gamit ang power ng social media.
Sumikat ang mga karakter nina Wally at Maine bilang sina Lola Nidora at Yaya Dub pati na rin si Alden Richards dahil sa hit na hit na Kalyeserye ng at Bulaga na nakapagbibigay ng mga mabubuting aral sa mga manonood, partikular na sa usaping pag-ibig at pagliligawan.
Maraming natutuwa at humahanga kay Wally bilang si Lola Nidora dahil sa ibinibigay niyang mga words of wisdom tungkol sa pag-ibig na makakamit “sa tamang panahon.” Naaliw at na-inspire rin ang milyun-milyong dabarkads sa ipinakikitang tradisyonal na panliligaw sa kalyeserye, pati na rin ang iba pang magagandang asal ng mga Pinoy tulad ng pagmamano, at pagiging magalang.
Kamakailan, pinuri ng CBCP ang Kalyeserye ng AlDub dahil sa pagpo-promote nito ng Pinoy values.
Samantala, kahapon sa pagpapatuloy ng kalyeserye, naganap ang unang araw ng hashtag #ALDUBSwitch. Kung matatandaan noong Sabado ay kinuha ni Lola si Alden para ito muna ang makasama niya sa Juan For All, All For Juan segment habang si Yaya Dub naman ay naiwan sa studio.
Bihis-Rogelio si Alden nang umapir sa Sugod Bahay, nasabi ni Maine na bagay ito sa binata. Naikwento naman ni Lola na sobrang sipag sa paggawa ng kanyang tungkulin bilang kapalit ni Yaya si Alden.
Satisfied siya sa naging pagsisilbi nito sa mansion. Tuwang-tuwa namang makasama nina Lola Tidora (Paolo Ballesteros) at Lola Tinidora (Jose Manalo) si Alden sa barangay.
Sa studio naman, napansin ng dabarkads na mas gumanda at mas blooming si Yaya Dub. Nakasama rin ni Yaya sa pagda-dubsmash si Ryzza Mae Dizon na gumanap bilang si Yaya Luvs.
Bago matapos ang kalyeserye ay nag-jak en poy pa sina Lola at Yaya. Pag nanalo raw ang huli ay pwede na silang magsama ni Alden sa studio pero pag si Lola ang nanalo siya ang pipili kung sino ang makakasama sa barangay at kung sino ang mananatili sa studio. Sa ending, si Lola Nidora ang nagwagi, pero bago niya masabi kung sino ang makakasama sa Sugod Bahay ay tumunog na ang busina na naghuhudyat ng pagtatapos ng kalyeserye.
Grabe naman ang naging pagtanggap kay Alden ng dabarkads sa barangay na sinugod nila kahapon. Halos dambahin ng mga tao ang humaharang na bodyguards para lang mahawakan at makalapit sa Pambansang Bae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.