NAGING mainit na topic sa social media, radio at telebisyon ang ginawang pagbitbit diumano ni Metro Manila Development Authority chairman Francis Tolentino ng mga sexy dancer sa event ng Liberal party at birthday celebration ni Laguna Rep. Benjie Agarao nitong Huwebes.
Hindi lang sa pagbibitbit ng sexy dancer umikot ang isyu kundi sa malaswang pagsasayaw na ginawa ng tatlong babae na kakarampot lang ang damit, at ginawa sa harap ng maraming tao kabilang na ang mga bata at mag-aaral sa kolehiyo.
Itinanggi ni Tolentino na siya ang nagbitbit sa mga babae.
Sabi naman ni Agarao, hindi raw malaswa ang ginawang paggiling ng mga babae. Nasa isip na lang daw ng isang tao kung ang naging pagtatanghal ng mga ito ay bastos at malisya o simpleng palabas lang.
Kahit ano pang pagtanggi at eksplanasyon ng dalawa, isa lang ang malinaw rito: bad taste ang nangyari lalo pa’t nagpapakita ito kung paano hamakin ng ilan nating mga pinuno sa gobyerno ang ating mga kababaihan.
Higit pang bad taste ito dahila mga palusot na ginawa nina Agarao at ni Tolentino.
Dahil umani na ng kabi-kabilang pagbatikos, tila napilitan na rin na humingi ng paumanhin ang mga opisyal na sangkot sa kontrobersya dahil iniugnay na sa iskandalo ang pangalan ni Mar Roxas na siyang pambato ng partido na ngayon ay nasa sentro ng kontrobersya.
Hindi na rin naiwasang magbigay ng pahayag ni Roxas dahil mga kasamahan niya ang napupuntirya, at sa kinalaunan ay lalatay sa kanya.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Roxas na labis siyang nalulungkot sa nangyaring sexy show na ipinalabas sa isang gawain na pinamumunuan ng LP.
May pangako ring binitiwan si Roxas. Pangako niya na paiimbestigahan daw ang insidente, isang pangako na hindi mo batid kung tototohanin ba o isang malaking motherhood statement lang para matapos ang isyu at makaiwas sa mga pagbatikos.
Kapansin-pansin din na mabilis ang ginawang pag-iwas ni Roxas sa isyu. Isang bagay na hindi mo inaasahan sa isang lider ng isang partido na nangangarap maging pa-ngulo ng bansa.
Malinaw ang kanyang pahayag na wala na raw siya sa lugar ng sandaling nagpalabas ang grupo.
“Pilit pong ikinakabit ng ilang grupo ang ating pangalan sa performance na ito, kahit pa ba nasa ibang bahagi ako ng compound, hindi kasama sa audience, at walang sight lines sa nangyayari. Hindi ko nasaksihan ang performance,” ang pag-iwas na pahayag ni Roxas.
Kung seryoso si Roxas sa kanyang pahayag na ikinalulungkot niya ang nangyari, bakit wala tayong narinig na paghingi ng paumanhin? Oo nga’t hindi siya kasama o hindi man niya nakita ang pangyayari, hindi ba’t ang pinakamahusay na dapat gawin ng isang lider ay akuin ang kapalpakan ng kanyang kasamahan?
Ano rin ang kasiguruhan natin na parurusahan niya ang mga kakampi na naglalagay sa alanganin sa kanya at sa partido?
Kung talagang nalulungkot si Roxas sa nangyari, patunayan niya ito. Hindi lang sa salita kundi sa gawa.
Kaya ba niyang sibakin sa listahan ng LP senatorial bets si Tolentino? Kaya ba niyang sibakin si Agarao?
Sa sandaling maparusahan ni Roxas ang mga macho o nagpapaka-machong sina Tolentino at Agarao, masasabi natin na may “balls” na nga si Roxas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.