TUMAMBAD sa buong mundo ang retrato ng Associated Press sa Puguis Elementary School sa La Trinidad, Benguet (ang malubha at labis na tinamaan ng landslide nang mag-akyat-baba ang bagyong Pepeng).
Hindi landslide o gumuhong dalisdis ng matayog na bundok ang retrato, kundi dalawang bakwit na inilaladlad sa photo-journalist ang uri ng relief goods na kanilang natanggap mula sa “mabubuting tao.”
Inilaladlad nila ang dark green checkered polo shirt na butas ang likod. Sa laki ng butas ay puwede nang lumusot dito ang dalawang pusang naghahabulan. Hawak naman ng isa ang kupasing maong, marumi, may mga mantsa ng aspalto at tila marupok na at isang kusutan na lang ay ireretiro na sa bungad ng pinto para punasan ng paa.
Kung magbibigay man lang, ay lubusin na sana, para sa kalunus-lunos na mga biktima. At huwag nang mag-iwan ng pangungutya na ang butas-butas at basahan ay para sa mga biktima ng kalikasan.
BANDERA Editorial, 101409
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.